POSIBLENG kumalat ang mga pekeng pera na magmumula sa ATM ng mga bangko dahil sa impormasyong may mga nagdedeposito nito sa nasabing mga makina.
Kamakalawa, nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas na maging maingat at tingnang mabuti ang nakukuhang pera mula sa Automated Teller Machines (ATMs).
Pinaalalahanan pa ng central bank ang publiko na regular na suriin ang pera upang malaman ang authenticity nito sa pamamagitan ng “feel, look, tilt” na paraan bilang pag-iingat laban sa mga peke.
“Should a banknote dispensed by an ATM be suspected as a counterfeit, the holder is advised to immediately report it to the bank that owns the machine,” ayon sa BSP.
Ayon pa sa BSP, ang bangko na nagmamay-ari ng mga ATM ay nagsasagawa ng imbestigasyon para ma-verify ang mga pera na lumalabas sa ATM.
Kapag naberipikang peke ang perang nakuha mula sa ATM, sinabi ng BSP na kailangan itong palitan ng bangko.
Sinabi pa ng BSP, lahat ng mga empleyado ng bangko ay nagpapatupad ng risk management measures para mapigilan ang mga insidenteng ganito.
“Aside from the installation of cameras at ATM areas, cash handlers and service providers tasked to refill ATMs are trained to detect counterfeit banknotes or verify their genuineness before placing them in ATMs,” dagdag pa ng BSP.
Matatandaan sa tuwing nalalapit ang national at local elections sa bansa ay nagkakaroon ng mga insidente ng pagkalat ng pekeng pera.
Sa ilalim ng Republic Act 10951, ang pamemeke ng Philippine currency ay may kaakibat na kaparusahan na 12 taong pagkakakulong at multa na hindi lalagpas sa P2 million.
Mula Enero hanggang Setyembre noong nakaraang taon, ang BSP ay nakakumpiska ng mahigit sa 500 fake banknotes na may halagang P480,000.
Ito ay resulta ng pitong operasyon na naging dahilan ng pagkakaaresto sa 16 suspek, 14 dito ay pawang mga miyembro ng sindikato. (JOEL O. AMONGO)
222 