NAGBABALA si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson laban sa mga tinawag niyang “homegrown traitors,” o mga Pilipinong handang ibenta ang Pilipinas kapalit ng pansariling pakinabang.
Sinabi ni Lacson na ang ganitong mga traydor, kasama ng technical intelligence, ang pinakakaraniwang pinanggagalingan ng impormasyon sa geopolitics.
“In geopolitics, the most common sources of information are technical intelligence and homegrown traitors who are willing to sell their country in exchange for what’s in it for them. In intelligence operations, it is called ‘recruitment in place,'” saad ni Lacson.
Mariin ding tinutulan ni Lacson ang mungkahi na isuko ang Kalayaan Island Group (KIG), na aniya’y walang pinagkaiba sa pagsuko ng Luzon o maging ng buong bansa.
Sa pagdinig ng Commission on Appointments noong nakaraang Miyerkoles, kinontra ni Lacson ang mungkahi ni Sen. Rodante Marcoleta na isuko ng Pilipinas ang KIG sa pamamagitan ng pagbanggit sa matagal nang umiiral na legal na prinsipyo na sumusuporta sa pagmamay-ari ng Pilipinas sa KIG.
Ipinaliwanag niya na ang abogado at adventurer na si Tomas Cloma ang nakatuklas sa Spratly Islands at sinakop ang mga ito sa ilalim ng prinsipyo ng “res nullius,” kung saan ang sinomang makatuklas at makapanakop sa lupain ay kinikilalang may-ari nito.
Kalaunan, isinuko ni Cloma ang pagmamay-ari ng nasabing lupain sa pamahalaan ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, may mga Pilipinong naninirahan sa KIG, isang bayan sa Palawan.
(DANG SAMSON-GARCIA)
6
