HINARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Amerikano na tinutugis sa kanilang bansa dahil sa kasong sexual assault.
Iniulat ni BI Nueva Ecija head Rick Carlo Balingit, hinarang si Michael Lewis Ginsberg, 67, nang tangkain nitong palawigin ang kanyang tourist visa sa BI field office sa Cabanatuan.
Nabatid sa ulat, nagsagawa ang assessor na si Nicole Matulac ng regular derogatory check at natuklasan na aktibong nasa watchlist si Ginsberg dahil sa immigration deportation case.
Ayon sa mga awtoridad sa Amerika, si Ginsberg ay may warrant of arrest para sa isang bilang ng sexual assault, mula sa Superior Court of Maricopa County sa Arizona na may petsang Hulyo 2024.
Ang kaso ay nag-ugat umano sa isinagawang sexual assault ng suspek sa isang kliyente habang nagtatrabaho ito bilang isang massage therapist.
Makaraang sampahan ng kaso, ang suspek ay nagtago sa New York saka lumipad patungong Pilipinas noong Hunyo 2024.
Pinoproseso pa ng gobyerno ng US ang pasaporte ng dayuhan para sa revocation nito.
Si Ginsberg ay nakadetine sa pasilidad ng ahensya sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportasyon. (JOCELYN DOMENDEN)
