BAGAMAN kasisimula pa lamang, purdoy na agad ang mga naunang itinayong kooperatiba at korporasyon ng mga public utility jeep dahil hindi pa nakapagbabayad ang mga ito ng kanilang utang sa LandBank at Development Bank of the Philippines (DBP).
Kinumpirma ito ni Quezon Rep. Reynan Arrogancia kung saan 38 PUJ Cooperative at Corporation na unang nagtatag o nagtayo ng grupo ang bigo umanong makabayad ng utang sa dalawang nabanggit na bangko na umaabot sa P2 billion.
Ayon sa mambabatas, 5 sa mga nabanggit na kooperatiba at korporasyon ang may atraso sa LandBank na umaabot sa P274 million habang 33 ang bigong magbayad sa DBP sa utang na P1.8 billion.
Sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), maaaring umutang ang mga kooperatiba at korporasyon sa dalawang nabanggit na bangko para makabili ng modernong jeep na nagkakahalaga ng P2.5 million kada unit.
Huhulog-hulugan ng mga ito ang kanilang utang sa dalawang bangko sa loob ng ilang taon.
Sa kasalukuyan aniya, 168 transport group na ang napautang ng LandBank. Ang DBP naman aniya ay umaabot na sa P9 billion ang inilabas na pera.
“These are the actual figures from Landbank and DBP resource persons who testified at the recent public hearing of the House committee on transportation, of which I serve as vice chairman.
Yes, most of the borrowers can pay their loans, but some were unable to, which gives some credence to the assertion of the PUV modernization objectors,” ani Arrogancia.
Dahil dito, pinaiimbestigahan nito sa Landbank, DBP, Department of Transportation (DOTr), Office of the Transport Cooperatives at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na alamin ang totoong dahilan kung bakit hindi nakabayad ang 38 kooperatiba at korporasyon.
“It is clear that the PUV Modernization Program has a lot of room for improvement given the fact that 38 transport coops and corporations are now past due on their loans,” dagdag pa nito.
(BERNARD TAGUINOD)
