ISANG tama ng bala sa batok ang ikinasawi ng isang 50-anyos na pulis matapos barilin ng isang lalaki habang isang babae naman ang sugatan sa nangyaring pamamaril sa Barangay Panginay, Guiguinto, Bulacan, noong Linggo ng gabi, Marso 8.
Kinilala ni PCol. Angel Garcillano ang biktimang si Police Master Sergeant Jose Uring, nakatalaga sa PNP Provincial Intelligence Unit ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) sa Camp Gen. Alejo Santos sa Malolos City, habang sugatan naman si Jorelyn Acedera, 54-anyos, residente ng Brooklyn Heights Subd. sa nabangit na lugar.
Nabatid sa imbestigasyon ng Guiguinto PNP, malapitang binaril ng suspek ang biktima sa batok na agad nitong ikinamatay.
Sinubukan pang dalhin ang biktima sa ospital pero idineklarang dead-on-arrival.
Base sa panimulang imbestigasyon, dumalo ang biktima sa isang caucus para sa eleksyon ng mga opisyal ng homeowners association ng Brooklyn Subdivision sa Barangay Panginay, Guiguinto nang mangyari ang pamamaril.
Nabatid na tumatakbong presidente ang biktima sa naturang samahan na siyang sinisilip na anggulo ng pamamaslang.
Nabatid na habang nakikipagkamay ang biktima ay lumapit ang suspek sa gawing likuran nito at bumunot ng baril at pinaputukan ito sa batok.
Nang papatakas na ang suspek ay ilang mga nakasaksi ang sumubok na harangin at pigilan ito kaya’t pinaputukan din sila naging dahilan para tamaan ng bala ang isang ginang.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang motibo sa krimen kung ito ay may kaugnayan sa kanyang pagka-pulis o dahil sa pagtakbo niya bilang presidente ng homeowners association.
(ELOISA SILVERIO)
84 