PULIS DINUKOT NG 10 ARMADO

TINATAYANG 10 armadong kalalakihan ang dumukot umano sa isang miyembro ng Manila Police District sa panulukan ng San Fernando at Sto. Cristo streets sa Binondo, Manila noong Huwebes ng hapon.

Ang biktimang si P/Cpl. Allan Hilario, nakatalaga sa Meisic Police Station 11, ay dinukot umano ng kalalakihang armado ng matataas na kalibre ng baril, na pawang nakasuot ng itim na jacket, itim na pantalon, itim na sapatos, itim na gloves at itim na bonnet.

Batay sa ulat ng San Nicolas Police Community Precinct, sakop ng MPD-Station 11, bandang alas-2:05 ng hapon, habang naka-park ang kotseng sinasakyan ni Hilario sa Sto. Cristo St. nang sumulpot ang mga suspek na lulan ng puting Isuzu Crosswind (XYF -188) at maroon na Honda City (NCV -9054).

Ayon sa tatlong testigo, tinutukan ng baril ng mga suspek ang biktima at sapilitang isinakay saka mabilis na pinasibab ang kanilang sasakyan patungo sa Jaboneros St. sa Binondo.

Agad namang nakatanggap ng report ang naturang himpilan ng pulisya mula kay P/Lt. Marvin Peralta, block commander ng San Nicolas PCP, kaya agad nagsagawa ng imbestigasyon si P/Cpl. Taylo.

Patuloy na inaalam ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa pagdukot sa biktima. (RENE CRISOSTOMO)

126

Related posts

Leave a Comment