KINUMPIRMA ng Quezon City Police District (QCPD) na isang insidente ng umano’y robbery-extortion at carnapping ng motorsiklo ang naganap bandang 7:00 PM noong Mayo 17, 2025 at isinasangkot dito ang umano ‘y isa sa mga suspek na isang pulis sa naganap na krimen sa panulukan ng EDSA Balintawak at NLEX Cloverleaf Interchange sa Barangay Unang Sigaw, Lungsod Quezon.
Ayon sa QC police, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang biktima, na kinilalang si alyas “Allan,” ay na-flag down ng mga suspek na sakay ng isang itim na Toyota Fortuner, sapilitang pinosasan at ninakawan ng pera, cellphone at kinuha ang kanyang motorsiklo.
Nagpakilala umano ang mga suspek bilang mga pulis, kung saan ang isa ay nakilalang unipormadong tauhan ng PNP na nakatalaga sa Northern Police District – District Personnel Holding and Accounting Section (NPD-DPHAS).
Kaugnay nito, agad na tinugon ang insidente ng mga awtoridad kay nagsagawa ng imbestigasyon ang QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sa pakikipag-ugnayan sa Talipapa Police Station 3, NPD-DID, Caloocan CPS Sub-station 5, at MMDA. Isang suspek ang positibong natukoy at mahaharap sa kaukulang kasong kriminal at administratibo.
Sinabi ng QCPD na ang sama-samang pagsisikap na matunton ang katotohanan sa kaganapan ay ginawa upang kunin ang CCTV footage sa kahabaan ng EDSA at mga kalapit na lugar para makita ang mga galaw ng mga suspek, matukoy ang mga posibleng kasabwat at malaman kung may iba pang biktima ang mga ito.
Kaugnay nito sinabi ng QCPD na hindi nito pinahihintulutan ang anumang uri ng pang-aabuso, pangingikil o maling pag-uugali na ginawa ng sinumang miyembro ng puwersa ng pulisya.
“Lubos naming sinusuportahan ang Regional Director, NCRPO, PMGEN ANTHONY ABERIN sa kanyang hangarin na linisin ang hanay ng mga scalawags at itaguyod ang tiwala ng publiko.
Tinitiyak namin sa publiko na ang kasong ito ay itutuloy nang may transparency, integridad, at buong pananagutan,” nag-iisang pahayag ng mga pulis QC.
Sa huli, nagtagubilin ang QC police sa publiko na nais magbigay ng mga tip o nauugnay na impormasyon na maaaring makipag-ugnayan sa QCPD sa pamamagitan ng mga opisyal na channel nito o i-dial ang QC Helpline 122.
(PAOLO SANTOS)
