NAIS ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan na malaman kung sinu-sinong mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang nagbugaw umano ng mga kababaihan sa mga ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
“Sino ang mga sangkot? Anong ahensya? Dapat managot ang lahat ng nagpakunsinti sa iligal na gawain na ito. We demand that all perpetrators—both the foreign agents and our local police who facilitated this abuse and exploitation—be held accountable to the fullest extent of our laws,” galit na pahayag ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos isiwalat ng United States (US) Department of Justice na ang mga FBI agents na nakabase sa Manila ay nakatanggap umano ang mga babaeng niregalo umano sa kanila ng mga lokal na ahensya ng pulisya.
Sinasabing nangyari ang insidente noong 2009 hanggang 2018 subalit ngayon lamang ibinunyag ng Department of Justice ng Estados Unidos na ayon dito’y bahagi ng pag-aabuso ng mga FBI agent na nakabase sa ilang Southeast Asian country sa kanilang posisyon ng impluwensya.
“This is not merely a case of individual misconduct. This is a clear manifestation of the culture of impunity and systematic exploitation of women that continues to pervade our society, enabled by no less than those sworn to protect our people,” punto ni Brosas.
“Nakakagalit na ang mismong mga pulis ang nagsisilbing bugaw para sa mga dayuhang ahente. Imbes na protektahan ang kababaihan mula sa trafficking at prostitusyon, sila pa mismo ang nagbebenta ng ating kababaihan,” dagdag ng kongresista.
Dahil dito, nagpatawag ng imbestigasyon si Brosas upang malaman kung sinu-sinong mga pulis ang sangkot sa eskandalong ito para patawan ng kaukulang kaso dahil sila mismo ang nagbubugaw sa mga kababaihan sa bansa.
“Hindi dapat palagpasin ang ganitong karumal-dumal na pagsasamantala sa ating kababaihan. This case is a stark reminder of why we must continue to fight against all forms of violence against women, especially when perpetrated by those in positions of power,” giit pa ng mambabatas.
(PRIMITIVO MAKILING)
