NAGPATULOY kahapon ang ikaapat na oral arguments kaugnay sa paglilipat ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth pabalik sa National Treasury.
Pasado alas-dos nagsimula ang pagtalakay kung naaayon sa Saligang Batas ang paglilipat ng pondo ng PhilHealth na aabot sa P89.9 billion.
Ang oral arguments ay para sa consolidated petition na magkakahiwalay na inihain nina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, Bayan Muna Chairman Neri Colmenares at ng 1SAMBAYAN Coalition.
Sa ikatlong oral arguments na ginanap noong nakaraang buwan, sinabi ni Supreme Court Associate Justice Antonio Kho na dapat ibalik sa state insurer ang P60 billion na pondong naunang inilipat sa treasury.
Dapat din aniyang ilaan ang mga pondo para taasan ang benepisyo ng contributors at magpatupad ng overhaul sa buong PhilHealth board.
Una nang sinabi ng Malacañang na susundin nila kung ano ang ipag-uutos ng Korte Suprema.
(JULIET PACOT)
