PULIS NA NASUGATAN, NASAWI SA QUEZON BINIGYANG-PUGAY NG PNP CHIEF

DUMALAW si Acting Philippine National Police (PNP) Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa United Candelaria Doctors Hospital sa Candelaria, Quezon upang kamustahin ang dalawang pulis na nasugatan at magbigay ng huling paggalang sa isang pulis na nasawi sa tungkulin.

Isinagawa ang pagbisita matapos ang armadong engkuwentro noong gabi ng Disyembre 19, 2025 sa Barangay Road malapit sa Sitio Pulyok, Barangay San Isidro, Candelaria, Quezon.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng mobile patrol ang mga pulis nang makasalubong ang ilang armadong indibidwal sa isang taniman ng saging. Isa sa mga suspek ang nagpaputok ng baril, dahilan upang gumanti ang mga pulis. Sa insidente, dalawang pulis ang nasugatan habang isa ang nasawi.

Sa ospital, personal na iginawad ni Nartatez ang Medalya ng Sugatang Magiting at Medalya ng Kadakilaan sa mga sugatang pulis bilang pagkilala sa kanilang katapangan at sakripisyo. Tiniyak din niya na agad na naibigay ang tulong-pinansyal para sa kanilang gamutan.

Naglaan din ng sandali ang Acting PNP Chief upang magbigay ng huling paggalang kay Patrolman Ron Jay Chavez, miyembro ng 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company, na idineklarang dead on arrival matapos ang engkwentro.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at ang pagtugis sa mga suspek na sangkot sa pamamaril.

(JULIET PACOT)

96

Related posts

Leave a Comment