CHRISTMAS BREAK: SESYON SA KAMARA BABALIK SA DEC 29 PARA SA BUDGET RATIFICATION

PORMAL nang sinuspinde kahapon ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang sesyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso upang bigyang-daan ang selebrasyon ng Pasko.

Gayunman, magbabalik-sesyon ang Kongreso sa Disyembre 29 upang ratipikahan ang 2026 national budget na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon, bago tuluyang magbakasyon hanggang Enero 18, 2026.

Sa kasalukuyan, nasa final stage of printing pa ang bicameral conference committee report sa pambansang pondo. Dahil dito, muling binago ang legislative calendar upang magbigay-daan sa posibleng pagdaraos ng sesyon ng dalawang kapulungan sa Disyembre 29 para sa ratipikasyon ng badyet.

Sa ginanap na open-closed session kahapon, pinuri ni Dy ang kanyang mga kasamahang mambabatas na nagsakripisyo upang maipasa ang pambansang pondo, gayundin ang mga contingent ng Kamara sa bicameral conference committee, na sa kauna-unahang pagkakataon ay isinagawa nang bukas sa publiko.

“This was the first open bicam in our history—isang mahalagang hakbang tungo sa mas bukas, mas malinaw, at mas mapagkakatiwalaang proseso ng paggawa ng pambansang budget,” pahayag ni Dy.

Dagdag pa niya, “Nakapagtapos tayo ng badyet na maaaring pagkatiwalaan ng taumbayan—isang budget na walang insertions, na hindi itinago, hindi minadali, at hindi inilayo, kundi bukas sa mata ng publiko.”

Si Dy ay nahalal na Speaker noong Setyembre matapos magbitiw sa puwesto ang dating Speaker na si Martin Romualdez, kasunod ng pagkakadawit ng pangalan nito sa mga alegasyon ng anomalya sa flood control projects.

Ipinagmalaki rin ni Dy na sa ilalim ng 2026 national budget ay popondohan ang pagpapatayo ng 25,000 silid-aralan sa buong bansa at ibabalik ang pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education program.

“This is not just an investment in education. This is an investment in the future of the Filipino nation,” ani Dy.

Ayon pa sa lider ng Kamara, pinalakas din ang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at ng Medical Assistance to Individuals and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program bilang suporta sa zero-balance billing para sa mahihirap na pasyente sa mga pampublikong ospital.

Bukod dito, binigyang-prayoridad din umano ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pondo para sa farm-to-market roads, irigasyon, mechanization, crop insurance, at mga subsidiya para sa mga magsasaka at mangingisda.

“Ang badyet na ito ay hindi lamang mga numero sa papel. Ito ay pagkain sa hapag, gamot sa ospital, at edukasyong magbubukas ng pinto sa mas maliwanag na bukas,” pagtatapos ni Dy.

(BERNARD TAGUINOD)

79

Related posts

Leave a Comment