RAPIDO ni PATRICK TULFO
Ayon sa ginang, naglalakad umano siya nang magulungan ang kanyang paa ng SUV na minamaneho mismo ng pulis ng Limay, Bataan na si PSSg. Lotes Bascara.
Dinala raw agad ni Bascara ang ginang sa public center ng Limay kung saan ito binigyan ng paunang lunas. Habang ginagamot ay sinabihan daw nitong si Sarhento Bascara ang ginang na huwag na mag-report sa pulis dahil siya rin naman mismo ang imbestigador.
Kinabukasan, pinapirma ni Sarhento Bascara si Gng. Gruela sa “quit claim” na nagsasabing siya ang sasagot sa pagpapagamot sa ginang HANGGANG SA GUMALING ANG KANYANG SUGAT.
Wala raw binayaran sa center ang pulis dahil libre ang pagpapagamot at binilhan umano siya ni Sarhento ng gamot na pang-7 araw.
Ilang beses din daw nagpapunta ang pulis ng tagalinis sa kanyang sugat. Pero ilang araw lang daw ito at wala na pinapunta ang pulis magmula noon. Kaya’t hiniling ng ginang na padalhan na lang sila ng panglinis at sila na lang ng kanyang anak ang maglilinis ng kanyang sugat.
Nagpadala naman daw ang pulis ng pang-isang araw na panlinis at ‘di na ito nasundan.
Nagpunta umano siya sa doktor sa isang private hospital dahil sa sobrang sakit ng kanyang sugat. Ipinaalam umano niya ito kay Sgt. Bascara, ngunit nagalit pa raw ito at bakit daw sa private pa nagpunta dahil pwede naman sa center ng Limay kung saan libre ang gastos.
Ayon sa ginang, sobrang sakit na ng kanyang sugat at hindi na niya kayang pumila pa sa center.
Nang makita umano ng doktor ang kanyang sugat ay minadali siyang ipina-confine dahil infected na ang kanyang paa at halos mabulok na.
Ayaw umano tumulong ni Sgt. Bascara sa gastusin niya sa ospital na umabot sa P147K. Nagpatawag din ang ginang ng paghaharap sa barangay ngunit hindi dumalo sa mga paghaharap ang nagmamatigas na pulis. Sa korte lang umano siya haharap.
Dahil dito, nagpasya ang Rapido na tulungan ang kawawang ginang na makapagsampa ng kasong administratibo sa National Police Commission (NAPOLCOM) at sa Prosecutor’s Office sa Balanga, Bataan.
Ang kaso ni Gng. Gruela ay isang klasikong halimbawa na ang taong tagapagpatupad ng batas ang mismong hindi sumusunod sa batas. Alam ni Sgt. Bascara ang kanyang responsibilidad sa kanyang nasagasaan. Aksidente ang nangyari, walang sinomang may gusto sa nangyari.
Pero sa kaso na ito, ang sarhento ay nakapapasok pa sa trabaho at normal na nagagawa ng mga dapat gawin, habang ang kanyang nasagasaan ay halos maputulan ng paa dahil sa sugat na dulot ng aksidente.
Hindi naman tinupad ng pulis ang kanyang isinulat sa quit claim kung saan sinabi nito na sasagutin niya ang pagpapagamot hanggang sa gumaling ang sugat ng ginang. Hindi pa gumagaling ang sugat ay hindi na siya nagparamdam sa ginang.
ABANGAN ANG SUSUNOD…
166
