#pulisangterorista latay kay Eleazar OFF-DUTY COPS ALISAN NG ARMAS

MATAPOS muling malagay sa kontrobersya ang pambansang pulisya sa kaso ni Police Master Sgt. Hensie Zinampan, inirekomenda ng isang lider ng mababang kapulungan ng Kongreso na huwag nang payagan ang mga pulis na dalhin ang kanilang baril kapag off-duty ang mga ito.

Ginawa ni Deputy Speaker Bienvenido Abante ang nasabing panukala dahil mismong baril na inisyu ng gobyerno ang ginamit ni Zinampan sa pagpatay sa 52-anyos na biktimang si Lilibeth Valdez.

“Policemen who are off-duty should surrender their firearms to their commander for safe keeping.. that should be the rule now given this incident of a drunk policeman shooting a 52 year old woman,” ani Abante.

Ayon sa mambabatas, hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ng mga tiwaling pulis ang baril ng gobyerno, sa pagpatay sa mga walang kalaban-labang sibilyan dahil noong Disyembre 2020 ay service firearm din ang ginamit ng dating pulis na si Jonel Nuesca sa pagpatay sa kanyang mga kapitbahay sa Paniqui, Tarlac na si Sonya, 52 at anak nitong si Mark Anthony Gregorio.

Sinabi ng mambabatas na kapag kinumpiska ang baril ng mga pulis na off-duty ay hindi na nila ito magagamit sa mga sibilyan tulad ng ginawa nina Zinampan at Nuesca.

 

Humingi ng paumanhin

Agad namang humingi ng paumanhin sa publiko si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar matapos magtrending ang #pulisangterorista kaugnay ng pamamaril at pagpatay ni Zinampan kay Valdez sa Quezon City noong Lunes ng gabi.
Aminado rin si Eleazar na hindi masisisi ang publiko kung lalong mawalan ng tiwala sa kapulisan dahil sa magkakasunod na kapalpakan at karahasan mula mismo sa mga taong dapat nagbibigay proteksyon sa kanila.
Isa isang panayam sa radyo, nangako ang opisyal na patuloy ang paglilinis sa PNP.

 

Resulta ng kill, kill, kill

Hindi naman ikinagulat ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite kung ganito umano mag-isip ang ilang pulis dahil sa utos sa kanila na pumatay nang pumatay.

“Talagang nakasiksik na sa utak ng kapulisan ang kautusang kill, kill, kill ng kanilang pangulo,” ani Gaite at posibleng ito umano ang pumasok sa isip ni Zinampan at iba pang pulis na pumapatay ng sibilyan na walang kalaban-laban.

“Hindi pa nga napaparusahan itong pulis na namaril sa Valenzuela isang linggo na ang nakararaan, may bago na namang insidente. It seems that cops really think that they could shoot anyone, anytime without being severely punished. Si Nuezca nga na nakunan na ng video ang ginawa nag-plead pa ng not guilty,” ayon sa solon.

“Alam nilang makalulusot sila, kaya malakas ang loob nilang mamaril nang mamaril. The persisting climate of impunity bred these trigger-happy cops,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)

148

Related posts

Leave a Comment