PULITIKA SA FLOOD MESS PROBE?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NANG sumabog ang flood control scandal, tila nabuhay ang pag-asa ng taumbayan — baka nga sa wakas, may mananagot na sa paulit-ulit na katiwalian sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Pero gaya ng dati, habang lumalalim ang imbestigasyon, mas lumilinaw din kung gaano kalalim ang ugat ng problema.

P1.4 trilyon. Hindi ito basta numero. Sa ganitong halaga, ayon sa ilang pagtataya, kayang magpatayo ng tig-700-bed capacity na ospital sa 82 lalawigan. Kayang magtayo ng 560,000 silid-aralan sa mga pampublikong paaralan. Kayang pakainin ang bawat Pilipino ng tatlong beses sa isang araw sa loob ng isang taon. At kung sa pabahay naman gagamitin, abot sa 1.6 milyong low-cost housing units ang maaaring maitayo.

Isipin mo ‘yan — lahat ‘yan, nilamon ng korupsyon.

Unti-unti ring lumutang ang mga prominenteng pangalan, tulad ni dating House Speaker Martin Romualdez, pinsan mismo ni Pangulong Bongbong Marcos. Kasama rin si ex-congressman Zaldy Co, na mabilis pa sa alas-kuwatro na nag-resign.

Pero sa gitna ng gulo, may mga biglang lumitaw na tila gustong maki-eksena. Isa na rito si dating senador Antonio Trillanes. Ayon sa ilang netizens, sa halip na ang mga kongresistang malinaw na nadadawit, si Senador Bong Go ang tinutukan niya. Ayon kay Trillanes, dapat kasuhan si Go ng plunder dahil sa umano’y P7-bilyong kontrata ng CLTG Builders — kumpanya raw ng kanyang ama.

Walang mali sa paghahabol ng hustisya. Pero kung ang paninindigan ay tila may pinipili, may kabiguan din ito. Bakit si Bong Go lang? Bakit hindi sina Romualdez o Zaldy Co, na tuwirang binabanggit sa mga ulat? Baka naman selective amnesia ang labanan dito — o baka mas simple pa, pulitika lang talaga.

At dito nagiging malinaw ang masakit na katotohanan: minsan, ginagamit pa ang isyu ng korupsyon para sa personal na interes. Imbes na magkaisa laban sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, nagkakanya-kanya sa paghanap ng mas magandang headline.

Kaya siguro hindi na rin nakapagtataka kung bakit marami ang nagdududa sa mga tulad ni Trillanes — lalo na’t minsan na rin siyang tinawag na “taksil” ni dating Senate President Juan Ponce Enrile, matapos akusahang “ibinenta” ang Bajo de Masinloc sa China noong 2012.

Ang tanong ngayon: sino ba talaga ang para sa bayan, at sino ang para lang sa sarili? Sa huli, kung ang mga nag-aakusa ay kasing dilim ng mga inaakusahan, saan pa lulugar ang katotohanan?

14

Related posts

Leave a Comment