PULITIKA SINISILIP SA TANGKANG PAGPATAY SA QUEZON MAYOR – QUEZON PNP CHIEF

INFANTA, Quezon – Pulitika ang isa sa mga tinitingnang motibo sa tangkang pagpaslang kay Mayor Filipina Grace America noong Linggo, ayon sa pinakamataas na opisyal ng pulis sa lalawigan.
“Isa ang pulitika sa mga subject ng aming isinasagawang validation sa mga possible motives,” ang pahayag ni Colonel Joel Villanueva, Quezon police chief, sa phone interview nitong Lunes.

Ngunit niliwanag ni Villanueva na pinag-aaralan din nila ang iba pang posibleng dahilan sa pamamaril kay America.

Sinabi pa ng opisyal ng pulisya na activated na rin ang kanilang “Election Related Incident Validation Committee” upang tiyakin kung ang naganap na pamamaril sa punong-bayan ay may kaugnayan nga sa pulitika o wala.

Si America ay tumatakbo para sa ikatlong termino bilang alkalde sa ilalim ng Nacionalista Party. Bukod kay America, may dalawa pang kandidato sa pagka-alkalde sa Infanta para sa halalan sa May 9.

Ayon kay Villanueva, agad nilang kinolekta ang footages mula sa mga closed-circuit television (CCTV) camera sa paligid ng pinangyarihan ng krimen upang makilala ang lalaking bumaril kay America.

Ngunit hindi optimistiko si Villanueva sa anomang makukuhang materyales mula sa CCTV dahil kakaunti lang aniya ang mga nasabing gadgets sa lugar.
Nagsasagawa rin aniya ng interviews sa mga nakakita sa pamamaril at sa malalapit na tao kay America para sa iba pang impormasyon.

Noong Linggo ng hapon ay binuo na rin ang Special Investigation Task Group (SITG) upang manguna sa imbestigasyon.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Police Brigadier General Antonio Yarra, director ng Police Regional Office IV-A: “We will leave no stone unturned to determine the possible motive behind the shooting.”

Si America ay pinaulanan ng bala ng lalaki na armado ng kalibre 45 habang sakay ang alkalde sa government vehicle sa Barangay Poblacion 1 bandang 11:15 ng umaga.

Galing ang biktima sa religious service sa katabing kapilya ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP)  kasama ang kanyang personal assistant at empleyado ng munisipyo na si Virgie Borreo at tsuper na si Alvin America.

Tinamaan ng bala sa kanang braso ang alkalde at ligtas naman ang dalawa niyang kasama na parehong walang tama.

Nailipat na ang alkalde sa isang ospital sa Metro Manila noong Linggo ng hapon para sa patuloy na pagpapagamot. (NILOU DEL CARMEN)

204

Related posts

Leave a Comment