SUGATAN ang isang lalaki makaraang makipagbarilan sa mga pulis matapos tangayin ang motorsiklo ng isang estudyante noong Lunes ng gabi sa Caloocan City.
Ayon sa ulat ni Caloocan Police OIC chief, P/Col. Joey Goforth, tinangay ng dalawang lalaki ang isang Yamaha NMAX motorcycle ng 34-anyos na babaeng residente ng Malabon City, habang nakaparada sa A. Mabini St., Brgy. 13, Caloocan City.
Humingi naman ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 3 na agad nagsagawa ng follow-up operation hanggang maispatan nila ang mga suspek sa Baltazar St., Brgy. 69, dakong alas-10:35 ng gabi, sakay ng tinangay na motorsiklo.
Nang tangkain nilang harangin, naglabas umano ng baril ang backrider na si alyas “Tirso”, 28, at pinaputukan ang mga pulis subalit hindi ito tumama.
Napilitang gumanti ng putok ang mga parak at tinamaan ng bala sa tiyan at kanang binti si Tirso na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.
Isinugod si Tirso sa Tondo General Hospital habang sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ay nadakip ang kasabwat nitong si alyas “Dindo”, 27, at nabawi ang tinangay na motorsiklo ng biktima.
Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016), at Direct Assault.
(MARDE INFANTE)
