PUMAPANGIT ANG RECORD NG PINAS

PUMAPANGIT ang record ng Pilipinas na nakakaapekto hindi lang sa imahe ng ating bansa sa international community, kundi maging sa mga ­foreign investor na hinihikayat nating maglagak ng negosyo rito sa atin.

Nitong mga nakaraang linggo, tatlong pangit na record ang inilabas ng mga international organization na hindi ko naman ipinagtaka dahil wala naman talagang ginagawang maayos na solusyon ang mga namumuno sa atin.

Una, ang pagkakasama (ulit) ng Pilipinas sa grey list ng Financial Action Task Force (FATF) sa ­money laundering at terrorist ­financing na kinokontra pa, e totoo naman.

Hindi nakapagtataka na nakatutok ang international community sa Pilipinas dahil matagal nang ginagawang “washing machine” ng international syndicate ang ating bansa para hugasan ang kanilang pera na nakuha sa ilegal na negosyo.

May mga report na nagpapasok ng male-maletang pera ang mga Chinese national sa Pilipinas para raw ipangsugal sa casino at pangnegosyo raw nila?

Anong nangyari sa mga kasong ‘yun?

Wala di ba?

Bigla na lang naglaho ang isyu sa bilyun-bilyong dolyar na pumasok sa ating bansa na nakasilid lang sa mga maleta at hindi natin alam kung anong nangyari sa imbestigasyon, tapos may mga opisyal ng ­gobyerno na nagtataka kung bakit nasa grey list pa ang Pinas sa money laundering?

Hindi rin kagandahan ang report ng Pilipinas pagdating sa sektor ng edukasyon kung ang World Bank report ang pagbabasehan dahil totoo namang walang natutunan ang mga bata sa eskuwela.

Sa report ng WB, 80 percent sa mga estudyante ay hindi natutunan ang mga dapat matutunan sa eskuwelahan na isang indikasyon na lumalala ang krisis sa sistema ng edukasyon sa ating bansa.

Papaanong may matutunan ang mga bata, eh napakarami nila sa isang silid-aralan, kulang kulang ang classroom, walang libro, limitado ang oras ng pagtuturo ng mga guro at kumakalam pa ang sikmura ng mga estudyante dahil sa kahirapan.

Idagdag pa rito ang ­ipinilit na K-12 program na lalong nagpahirap sa dati nang mahihirap na mga Filipino dahil nadagdagan ng dalawang taon ang pag-aaral ng mga bata bago sila makapaghanapbuhay.

Ang mga natututo lang ay ‘yung mga anak ng ­middle class hanggang upper class dahil kakaunti lang sila sa silid-aralan, kaya natututukan sila ng mga guro sa mga private school at pag-enroll pa lang nila ay may libro na sila.

Hindi rin dapat palagan pa ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang Bloomberg’s COVID Resilience Ranking report na naglagay sa Pilipinas sa ika-52 puwesto mula sa 53 bansa sa mundo.

Huwag mo nang palagan Mr. Secretary dahil totoo naman na kulelat talaga tayo pagdating sa pagtugon sa pandemyang ito na bunga ng pagpapabaya sa inyong tungkulin.

Kung nakapag-order lang sana kayo agad-agad ng bakuna, eh baka isa tayo sa naunang nagkaroon COVID – 19 vaccines at baka hindi lang 2.5 milyon ang fully vaccinated sa Pilipinas ngayon.

Lagi n’yong ikinakatwiran na kinopo ng mga mayayamang bansa ang 80 percent sa vaccine supply sa mundo, pero may pera kayo noon pa para pambili ng bakuna.

Sabi nga ni Sec. Teodoro Locsin, “somebody drop the ball”, kaya tayo nakabili agad ng bakuna di ba Secretary?

O, anong nangyari?

Natakot kasi kayo sa China, pero hindi kayo natakot sa epekto ng pandemya sa mga Filipino.

177

Related posts

Leave a Comment