‘Pumapel’ sa sablay na Tourism campaign PAUL SORIANO NILAGLAG NG DOT

MISTULANG inilaglag ng Department of Tourism (DOT) si Presidential Adviser on Creative Communications Paul Soriano sa kontrobersyal na logo at promotional video ng nasabing ahensya.

Sa budget hearing ng DOT kahapon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, tinanong ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel si Secretary Ma. Esperanza Christina Garcia-Frasco kung nakialam ba si Soriano sa paggawa ng logo at promotional video ng ahensya.

Ipinasa kay DOT Undersecretary for legal and special concern at chief of staff Atty. Mae Elaine Bathan ang pagsagot kung saan noong una ay mistulang umiwas ito.

Subalit sa pangungulit ni Manuel, inamin ni Bathan na may direktiba ang mga ito na makipag-ugnayan sa tanggapan ni Soriano sa paggawa ng logo at promotional video ng ahensya na naging kontrobersya dahil gumamit ang mga ito ng materyal na kuha sa ibang bansa at hindi sa Pilipinas.

“We have a directive Mr. chair to align the tourism branding campaign with the country brand which is under his (Soriano) office,” pag-amin ni Bathan.

Magugunita na hindi nagsasalita si Soriano sa nasabing kontrobersya subalit may mga larawan na nagpapakita na kasama siya at si Unang Ginang Liza Marcos sa mga pulong sa DOT ukol sa paggawa ng bagong logo at promotional video ng ahensya.

Base sa mga report, ginastusan ito ng P49 Million subalit nang pumutok ang kontrobersya ay agad umanong pinutol ng DOT ang kontrata sa DDB Philippines at hindi ito binayaran.

Sinabi ni Manuel na hindi maitatago ang pagpapel ni Soriano sa nasabing promotional video dahil bago ito pumasok sa gobyerno ay nakatrabaho na umano nito ang DDB Philippines sa branding at promotional video projects.

Sa ngayon ay walang impormasyon kung bumalik na si Soriano sa kanyang trabaho matapos mapabalitang nag-leave ito.

(BERNARD TAGUINOD)

199

Related posts

Leave a Comment