Punuan na sa ospital COVID PATIENTS GAMUTIN NA LANG SA BAHAY – SOLON

IMINUNGKAHI ng isang mambabatas sa Kamara na gamutin na lamang sa kanilang bahay ang COVID-19 patients lalo na ang mga kritikal ang kalagayan lalo na’t punuan na sa mga ospital.

“Hospitals are full, we need to be proactive in looking for alternative modes of treatment, many people are not able to get the medical treatment they need because they cannot find any vacancy in hospitals,” ani 1PACMAN Party-list Rep. Enrico Pineda.

Isa sa paraang nakikita ng mambabatas ay sa bahay na lamang ng mga pasyente gamutin ng mga doctor ang mga ito lalo na ang mga kritikal ang kalagayan imbes na paghintayin na magkaroon ng mababakanteng hospital bed.

Sa kasalukuyan, marami umano ang tinatanggihang pasyente ng COVID-19 hindi lamang sa mga pribadong pagamutan kundi maging sa mga pampublikong ospital dahil wala nang lugar ang mga ito.

“If a critically ill COVID patient is not able to find medical aid due to hospitals being full, then we should consider treating them in their own homes,” ayon pa sa mambabatas.

Maaaring puntahan na lamang aniya ang mga ito ng mga doctor at nurse sa kanilang bahay para i-monitor ang kanilang kalagayan at bigyan ng gamot na kailangan hanggang sa gumaling ang mga ito.

Maaari umanong bumili na lamang ang gobyerno ng mga medical equipment na madaling ibiyahe at ipahiram ito sa mga pasyente na ginagamot sa kanilang bahay kung talagang walang lugar para sa mga bagong biktima ng COVID-19 sa mga pagamutan. (BERNARD TAGUINOD)

199

Related posts

Leave a Comment