PURO PAASA

HINDI na nais ng sektor ng transportasyon na muling madenggoy ng mga taong ­gobyernong tila nakasanayan ang mangako – at pagkatapos ay wala na.

Patunay ng kanilang natutunang leksyon ay ang maniobra ng pagpapanatili ng kanilang petisyon na inihain sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa P3 dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan.

Bagama’t nangako ang Department of Transportation (DOTr) sa hanay ng mga operator at tsuper ng ayuda at subsidiya kapalit ng pagbawi ng petisyon, mas mainam pa rin na maging ­wais para maiwasang umasa na naman sa wala, tulad ng mga pangakong binitawan sa kanila nitong mga nagdaang panahon.

Bakit nga naman sila magpapaisa kung paulit-ulit lang naman silang pinapaasa.

Kung tutuusin, hindi sapat ang sinasabing P1-bilyong ayuda sa mga tsuper pa lamang. Sa kwento mismo ng Pasang Masda, lumalabas na P2,500 lamang ang katumbas ng nasabing halaga kung hahatiin sa bilang ng mga tsuper pa lamang – malayo sa P10,000 hanggang P15,000 na kanilang isinusulong.

Ang masaklap, wala pang malinaw na pondong pagkukunan ng subsidiya, bagama’t may mga pakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa mga kapitalista sa likod ng mga kumpanya ng langis.

Ang diskarte ng gobyerno, pwersahin ang oil companies para sa mas malaking diskwento – bagay na ayos naman lalo pa’t maiibsan ang bigat na ipinapataw sa mga tsuper sa tuwing magkakarga ng krudo sa kanilang mga ­sasakyang pampasada.

Ang siste, tila walang plano ang pamahalaang humugot ng pondo mula sa kanilang sisidlan. Isang patunay na walang subsidiyang magmumula sa pamahalaan.

Ang masaklap, tila hindi rin naman sang-ayon ang pamahalaan na suspendihin ang ­excise tax sa mga produktong petrolyo. Pati ang 12 value added tax (VAT), ayaw rin yatang isuko pansamantala man lamang.

Susmaryosep! Nanghihinayang sa mawa­wala sa gobyerno? O natatakot na mabawasan ang kinukultab sa koleksyong pondo?

Parang tama yatang huwag munang bawiin ang petisyon. Ang problema, tila mga ­pobreng pasaherong Pilipino ang babalikat sa ­napipintong perwisyong dagdag-pasahe.

Aral sa mga tsuper: Ang pangakuan ay sapat na. Kalabisan kung tutupad pa.

2934

Related posts

Leave a Comment