DPA ni BERNARD TAGUINOD
TUWING gusto tayong pigain ng gobyerno sa buwis, ang lagi na lang nilang idinadahilan ay para ito sa kalusugan ng mga Filipino. Gasgas na pero ginagamit pa rin.
Tulad na lamang nitong plano ni Finance Secretary Benjamin Diokno na patawan ng karagdagang buwis ang junk foods dahil ito raw ang pangunahing dahilan kaya nagkakasakit ang mga tao.
Nagiging ‘obese’ daw ang mga Pinoy kaya nais nilang ilayo sila sa sitsirya at isang paraan para magawa ito ay dagdagan ang buwis at ang makokolektang buwis daw ay para mapondohan ang mga programang may kinalaman sa kalusugan ng mga tao.
Ang dami nang buwis na binabalikat ng sambayanang Pilipino pero hanggang ngayon ay marami pa ring mga tao ang namamatay na hindi nakatitikim ng libreng pagpapagamot sa kanilang iniindang sakit.
Walang nagkakasakit na mahirap ang hindi gagastos sa kanilang pagpapagamot dahil ang professional fees pa lang ay kasing laki na ng hospital bill ng kanilang pasyente.
Kahit pa ibawas ang PhilHealth at discount kapag senior citizens o indigent ang pasyente, malaki pa rin ang babayaran ng pamilya ng isang pasyente kaya ang solusyon nila lagi ay mangutang lalo na’t hindi puwedeng pauwiin ang pasyente kung hindi pa nababayaran ang PF ng mga doctor.
Nasaan ang koleksyon sa mga buwis para itulong sa mga taong nagkakasakit? Hindi ramdam ng mga tao ang buwis na sapilitang kinokolekta tapos lagi niyong idinadahilan ang kanilang kalusugan kapag gusto niyong dagdagan ang binabayaran nilang buwis?!!
Bakit hindi n’yo na lang kasi aminin na kaya kayo nagpaplanong magdagdag ng bagong buwis ay para masiguro niyong mabayaran ang interes ng inutang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at hindi kayo mahirapan na makumbinsi ang mga uutangang niyo pa para pondohan ang 2024 national budget.
Nag-iwan si Duterte ng P12.79 Trillion utang kung saan kalahati diyan ay kanyang inutang sa kanyang anim na taon sa Malacañang habang P2.46 Trillion ang planong utanging ng Marcos Jr. administration sa susunod na taon para mapondohan ang 2024 national budget.
Ang masaklap pa rito, ang mga ordinaryong Pilipino ang gustong pigain sa buwis samantalang ang malalaking mga negosyante at korporasyon ay walang binabayarang buwis.
Tulad na lamang nitong National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ang nagbabayad ng buwis nila ay consumers? Lahat ng power distributors ay consumers ang nagbabayad ng kanilang buwis at ang buwis na ‘yan ay binubuwisan pa.
Lagi na lang ang mga ordinaryong tao ang pinipiga pagkatapos magtataka kayo bakit lumalala ang gutom sa bansa. Natural dahil tumataas ang presyo ng mga bilihin kapag may bagong buwis.
OK lang na magbayad ng buwis dahil obligasyon ng mga tao ‘yan sa gobyerno kung maramdaman man lang sana nila ang totoong serbisyo pero hindi natin ramdam eh.
