PUSTA-BUHAY

KASABAY ng pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ng mga positibo, muling lumutang ang posibilidad ng pagbabalik ng face-to-face classes para sa lahat ng antas sa mga paaralan – partikular sa Metro Manila.

Katwiran ng Commission on Higher Education (CHED), malaking bahagi na ng Metro Manila ay bakunado.

Nakalulugod isiping babalik na ang normal na pamumuhay, subalit nakababahala naman sa aspetong malalagay sa alanganin ang buhay at kalusugan ng mga batang tila eksperimentong gagamiting batayan ng pasya ng ­gobyerno sa hinaharap.

Tila nakalimutan ng CHED na hindi bahagi ng datos ng mga bakunado ang mga mag-aaral. Nangangahulugan din itong wala pa silang angkop na proteksyon laban sa nakamamatay ng COVID-19.

Kung tutuusin, maging ang mga bakunado, walang garantiyang hindi na tatamaan ng lintek na karamdamang gawa ng bansang Tsina. Katunayan, dokumentado mismo ng ­gobyerno ang ilang kaso ng mga nagpositibong bakunado.

Sa madaling salita, doble peligro ang rekomendasyong face-to-face classes para sa mga mag-aaral sa Metro Manila na tila nais ng CHED na ibilad sa gitna ng kawalang katiyakan.

Ang siste, makailang ulit nang bumaba ang kaso sa Metro Manila. Sa tuwing bababa ang bilang ng naitalang positibo, sumosobra ang kumpiyansa ng tao. Ang resulta – muling ­paglobo ng bagong kasong dagdag sa talaan ng gobyerno.

Gaano nga ba kahanda ang Department of Education (DepEd) at CHED para sa face-to-face classes?

Ang sigurado, walang mandato at kakayahan ang dalawang ahensiyang ito pagdating sa larangan ng kalusugan. Ni wala itong kakayahang pondohan ang mga dagdag silid-aralan o maging ang sinasabing mga pagbabago sa estilo ng mga kwarto kung saan karaniwang ginaganap ang pagtuturo.

Wala pa man ang pandemya, siksikan na ang klase kaya naman imposible ang tinatawag na social distancing sa loob ng mga silid ng mga paaralan.

Isang panawagan – huwag natin ipusta ang buhay ng kabataan. Palaging tandaan, sila ang pag-asa ng ating bayan.

165

Related posts

Leave a Comment