UMAPELA si Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor sa local government units (LGUs) lalo na sa Quezon City, na hayaang pumili ang mga tao ng brand ng booster shot na gusto nila.
Ayon sa mambabatas, may inilabas na ang Department of Health (DOH) na guidelines hinggil sa mix-and-match of primary jabs at booster shots na dapat sundin ng LGUs.
Ginawa ni Defensor ang pahayag matapos madismaya sa Quezon City government dahil hindi sinasabi sa Vax Easy registration system ng lungsod kung anong brand ng bakuna ang ibinibigay ng mga ito sa vaccination centers.
Ipinaliwanag ng mayoralty candidate ng QC na base sa mix-and-match guidelines ng DOH, ang mga nakakuha na ng primary shot ay may opsyon na pumili kung Sinovac, AstraZeneca, Pfizer o Moderna ang nais nilang maging kanilang booster shot.
Gayunpaman, base sa mga report, mas pinipili ng mga tao ang Pfizer at moderna bilang kanilang additional shot. (BERNARD TAGUINOD)
