USAP-USAPAN ngayon ang umano’y VIP treatment na ibinigay ng Quezon City Regional Trial Court sa isang sikat na aktor kaugnay ng paglalagak ng pyansa sa kasong cyber-libel na inihain ng isang party-list congresswoman.
Ayon sa isang impormante, bago pa dumating sa tanggapan ng National Bureau of Investigation sa Quezon City si Enchong Dee, mayroon nang tumawag mula sa isang opisina ng Quezon City judge sa utos na rin ng isang prominenteng personalidad sa Pilipinas na diumano’y backer ng aktor.
Pagtatapat pa ng impormante, hindi na pinadaan sa angkop na standard operating procedure (SOP) ang aktor na pinakawalan nang di na kinuhanan ng mugshots na patunay na siya’y isinakdal at nagpiyansa.
Kwento pa niya, gabi na nang ilabas ng husgado ang release order. Agad namang pinakawalan ng NBI si Dee, bagay na lubhang ipinagtaka ng impormante.
“Kinailangan pang mag over-time ng mga taga korte para ma-accommodate ang request ng big-time na backer ni Enchong Dee. Pati NBI nataranta, di na nakunan ng mugshots ang akusado, bilang patunay na nai-book siya,” himutok ng impormante.
Dalawang ulit nabigong dakpin si Dee ng mga operatiba ng NBI kaugnay ng warrant of arrest na inilabas ng korte sa P1-B cyber libel na isinampa ng kongresista. Lunes ng hapon naman nang boluntaryong sumuko si Dee sa NBI at nakauwi rin sa kanyang tahanan kinagabihan. (FERNAN ANGELES)
