PUNA ni JOEL O. AMONGO
SINIBAK ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director, Major General Anthony Aberin noong Abril 21, 2025, mula sa kanyang pwesto si Quezon City Police District (QCPD) director, Police Brig. Gen. Melecio Buslig, Jr., dahil sa command responsibility matapos na isa sa kanyang mga pulis ang nasampahan ng kasong grave misconduct.
Sa isang pahayag noong Martes, tinugunan din ng hepe ng Philippine National Police (PNP) na si General Rommel Marbil ang isyu, na nagsabing: “Let this be clear: We will not allow any abusive officer to hide behind the badge.”
“Kung sasaktan mo ang mga taong sinumpaan mong protektahan, ikaw ay aarestuhin, uusigin at mapapatalsik sa serbisyo. Walang pangalawang pagkakataon. Walang eksepsiyon,” pahayag pa ng hepe ng pulisya.” Dapat lang para hindi na siya pamarisan ng iba pang mga pulis.
Ang tinutukoy ni Marbil na naging dahilan ng pagkakasibak kay PBGen. Buslig ay si Police Staff Sgt. Colonel Jordan Marzan na nakatalaga sa QCPD Station 2, na inaresto dahil sa pwersahang pagpasok sa isang pribadong bahay at pag-atake sa isang menor de edad habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak, sa Brgy. Damayan, Quezon City dakong alas-12 ng hatinggabi noong nakaraang Linggo.
Sa hiwalay na pahayag ng NCRPO, sinasabing kinumpronta umano ni Marzan ang mga residente ng kabahayan at inakusahan sila ng maling gawain na nagresulta sa mainitang pagtatalo.
Si Marzan, na agad na dinisarmahan matapos siyang maaresto, ay nahaharap sa kasong violation of domicile at multiple counts ng paglabag sa Republic Act No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, ayon sa PNP.
Hindi lang si Marzan ang dapat makasuhan kundi pati ang iba pang mga pulis na sumama sa kanyang pagpunta sa pribadong bahay.
Kung pagbabasehan ang nag-viral video sa social media, sinabi ni Marzan na ang naka-inom ay ang kanyang mga kasamahang pulis, ayon sa pakikipagtalo niya sa mga tao sa bahay na kanilang pinuntahan.
Tama ang sinabi ni PNP chief Marbil na dapat protektahan ang mga sibilyan, at hindi dapat na pineperwisyo ng mga pulis.
Kaya tama lang na ang pulis na hindi sumusunod sa kanilang sinumpaang tungkulin ay sibakin nang hindi na sila dumami pa.
Marami namang nagtatapos ng BS Criminology sa mga unibersidad at sa Philippine National Police Academy (PNPA), na gusto talagang magserbisyo sa taumbayan kaya kung sinoman sa mga nasa serbisyo ngayon ang abusado ay sibakin na at palitan ng mga bagong nagtapos.
Sila ang dapat nagpapatupad ng batas at modelo sa pagpapatupad ng batas, at hindi sila ang lumalabag sa batas at namemerwisyo ng tao.
Sila ang sumisira sa imahe ng pambansang pulisya, hangga’t maaari ay ihiwalay sila sa matitinong mga pulis baka makahawa pa sila sa iba.
oOo
Para sa reklamo at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail. com o mag-text sa cell# 0962-394-3098.
