BUKOD sa kasong kriminal, sinampahan din ng kasong administratibo ng pamilya ng tricycle driver na biktima ng hit-and-run, ang dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) na si P/Lt. Col. Julio Abong.
Si Abong ay kinasuhan ng mga kapatid ng biktima na sina Arlene Laroa Buenvenida, Annale Laroa Alba at Armida Laroa Carbonel ng grave misconduct, grave neglect of duty and conduct unbecoming of a police officer sa People’s Law Enforcement Board-QC (PLEB-QC).
Bukod kay Abong, hiniling nila na sibakin sa police service ang iba pang police officer ng QCPD na kasabwat sa umano’y “cover-up” sa insidente.
Iginiit ng mga kapatid ng biktima, si Abong ang nagmamaneho ng itim na Ford Ranger pick-up na may plakang NCG 8456, nang mabundol ang kanilang kapatid na tricycle driver, at sa halip na saklolohan ay tinakasan pa nito.
Ang pinakamasaklap umano ay tumulong pa ang ilang pulis para pagtakpan ang colonel at nagharap ng “fall guy” upang ito ang panagutin sa ginawang kasalanan ng nasabing opisyal ng QCPD.
Kinasuhan din ng magkakapatid ang Station 3 commander na si P/Col. Alexander Barredo, at ang kanyang subordinate na si P/Cpl. Joan Vicente, dahil sa hindi pagdakip kay Abong.
Batay umano sa cellphone video footage, sina Barredo at Vicente kasama ang iba pang mga pulis ay nakatayo sa tabi ng Ford Ranger pick-up ni Abong, subalit walang nangyaring pag-aresto.
Nalaman pa umano ng magkakapatid na ineskortan pa nina Barredo, Vicente, at iba pang mga pulis mula sa Police Stations 3 at 9, ang sasakyan ni Abong habang ito ay pabalik sa Camp Karingal matapos ang insidente.
Hindi rin pinaligtas ng magkakapatid na kasuhan ang traffic investigator na si P/SMS Jose Soriano sa kanyang direktang partisipasyon para pagtakpan ang ginawang krimen ng opisyal.
Ayon sa Laroa sisters, hindi umano kinilala ni Soriano na si Abong ang driver ng sasakyan dahil sa kanyang inisyal na report ay hindi pa umano kilala ang nagmamaneho ng nasabing sasakyan.
Ilang araw pa ang nakalipas ay saka umano sinabi ng traffic investigator na isang “Ronald Centino” ang driver ng pick-up, at hindi si Abong.
“Nag-file kami ng kaso sa PLEB dahil sa tingin namin, dito na lang namin makakamit ang hustisya. Nag-usap-usap ang mga pulis para pagtakpan ang insidenteng ito. Nakakapanlumo. Nananawagan kami kay Mayor Belmonte at Atty. Calinisan na bigyan ng agarang resolusyon ang kasong ito. Humihingi ako ng tulong sa inyo. ‘Wag niyo po kami pabayaan,” ayon kay Arlene Laroa Buenvenida. (LILY REYES)
