QUAD COMM 2.0 SA 20TH CONGRESS

MALAKI ang posibilidad na magkaroon ng bagong Quad Committee sa 20th Congress para ipagpatuloy ang imbestigasyon sa ugnayan ng illegal drug trade, extra-judicial killings (EJK) at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa 20th Congress.

Ito ang tinuran ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lead chairman ng nasabing komite sa pagtatapos ng imbestigasyon dahil matatapos na ang 19th Congress, kaya wala pa umanong dapat ipagsaya ang mga personalidad na sangkot sa illegal drugs, EJK at POGO na hindi kasama sa mga naimbestigahan.

“Kaya sa mga natutuwa sa pag-aakalang nakalusot na sila sa imbestigasyon, paumanhin po, sapagka’t malaki ang posibilidad na magkakaroon muli ng QUADCOM sa darating na kongreso – QUADCOM 2.0,” ani Barbers.

Ang Quad Comm ay binubuo ng House committees on dangerous drugs; public order and security, human rights at public accounts ay nagsimula ang imbestigasyon sa P3.6 billion halaga ng shabu na nakumpiska sa bodega ng Empire 999 sa Mexico Pampanga noong 2022.

Dito natuklasan na namakyaw ng lupa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga Chinese national na nasa likod ng Empire 999 na bukod sa ilegal na droga ay sangkot din umano sa POGO na naisagawa dahil sa mga kasabwat na Pilipino.

“Walang iniwan kay Hudas. Itinatwa si Hesus kapalit ng salapi. Kapalit ng pangako ng salapi at kapangyarihan, ang mga Bagong Makapili ay kusang nagpaunlak at nagpaubaya. Ang masakit, hanggang ngayon, sila ay nagpapasasa sa kanilang namithing bunga ng kanilang pagsasamantala at pagtraydor sa bayan,” ani Barbers hinggil sa mga Pilipino na katuwang ng mga sindikato para isagawa ang kanilang krimen sa bansa.

Sinabi naman ni Sta. Rosa Laguna Rep. Dan Fernandez na co-chairman ng Quad Comm na hindi nito pinagsisihan ang maging bahagi ng komite kahit ang naging kapalit nito ay ang kanyang pagkatalo sa gubernatorial bid sa Laguna noong nakaraang eleksyon.

“Hindi natin alam ang buong katotohanan – of course there were several other factors – pero ang sigurado po ako: hinding-hindi ko pinagsisisihan na ipinaglaban ko ang ating bansa,” ani Fernandez.

“We are up against syndicates of silence, cabals of corruption, and a culture of compromise that have allowed evil to thrive. If we are not tenacious, we lose ground. If we stop fighting, impunity wins,” ayon naman kay Manila Rep. Bienvenido Abante na kabilang sa co-chairman ng komite.

Tulad ni Fernandez, natalo sa kanyang reelection bid si Abante sa ika-6 na distrito ng Lungsod ng Maynila noong nakaraang eleksyon.

Saludo naman si Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano sa mga resource person ng komite na naglakas-loob na lumantad at magsalita kahit malaking sindikato ang kanilang nabangga.

“Sa diwang iyon, iniiwan namin ang hamon sa darating na Kongreso at sa mga lider nito – na ipagpatuloy at palawakin pa ang pundasyong inilatag ng Quad Comm,” ayon pa kay Paduano na tulad nina Barbers at Fernandez ay graduating congressman na habang si Abante ay hindi magiging bahagi ng 20th Congres dahil natalo sa kanyang reelection bid.

(BERNARD TAGUINOD)

44

Related posts

Leave a Comment