QUEZON – Isang kaso lamang ng COVID-19 ang naitala ng lalawigang ito sa nakalipas na maghapon noong Huwebes.
Batay sa tala ng Quezon Integrated Provincial Health Office (IPHO), bandang alas-5:00 noong Huwebes ng hapon, isa lamang ang naitalang nagpositibo sa nakahahawang sakit na nagmula sa lungsod ng Lucena.
Umabot na lamang sa 44 ang aktibong kaso sa buong Lalawigan.
Pinakamarami na may aktibong kaso ang Tayabas na may bilang na 9; Lucena, 8; Sariaya, 7, at San Antonio na may 4 na kaso.
Nakapagtala rin ang IPHO ng dalawang bagong nakarekober sa sakit kaya umabot na sa 31,204 ang total recoveries mula sa 32,804 na kabuuang naging kaso.
Wala namang iniulat na bagong namatay kaya nanatili sa 1,556 ang mortalities sa lalawigan.
Noong Martes, Marso 9, dalawang kaso lamang ang naitala sa lalawigan.
Nitong nakaraang araw, sinabi ng OCTA Research Group, na ang lalawigan ng Quezon at Lucena City ay kasama sa “very low risk” na category ng mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa.
Umaasa naman ang pamahalaang panlalawigan na sa patuloy na pagbaba ng kaso sa Quezon ay bababa na rin sa Alert Level 1 ang lalawigan sa sunod na anunsyo ng IATF sa Marso 16.
Sa ngayon, kasama ang lalawigan ng Batangas, nanatili sa Alert Level 2 ang Quezon province at Lucena City sa Calabarzon. (NILOU DEL CARMEN)
