QUEZON PROVINCE IDINEKLARA BILANG ‘SIPS’

“HINDI ito isang resolusyong pampapel lang, kailangan isabuhay natin, bigyan ng buhay ang mga titik na nakalagay sa resolusyon, kailangan maramdaman ng ating mamamayan na matahimik, mapayapa, at ligtas ang ating lalawigan.”

Bahagi ito ng pahayag ni Gov. Doktora Helen Tan sa kanyang talumpati para mahikayat ang lahat na mapanatili ang probinsya ng Quezon sa pagiging malaya sa karahasan dulot ng mga makakaliwang grupo na CPP-NDF-NPA sa ginanap na Memorandum of Understanding (MOU) at Memorandum of Agreement (MOA) kasabay ng pagdiriwang ng ika-125 araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Quezon Convention Center, Lucena City nitong Hunyo 12, 2023.

Ang makasaysayang pagdedeklara ng SIPS o Stable Internal Peace and Security sa lalawigan ay nangangahulugan nakakamit na ng probinsya ang ligtas, payapa, at patungo sa kaunlaran sa noo’y puno ng krimen dulot ng makakaliwang grupo.

Ayon kay DILG Quezon Provincial Director Darell Dizon, simula nang naipatupad ang Executive Order 70 na layuning matulungan ang mga rebelde na magbalik-loob sa gobyerno upang magsimula ng panibagong buhay, marami na ang mga sumuko sa otoridad at kasalukuyang nakikinabang sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).

Ang programang ECLIP ay nagbibigay ng tulong sa mga dating rebelde sa mapayapang pamamaraan gaya ng panimulang puhunan sa kanilang pagkakakitaan, training na naaayon sa kanilang mga kakayanan, at iba pa. Habang sampo naman sa mga dating makaliwang grupo ang dumalo upang personal na matanggap ang nasabing mga benepisyo.

Dumalo rin sina Area Police Command – Southern Luzon Command PLtGen Rhoderick Armamento at Southern Luzon Command Commander LtGen Efren Baluyot upang magpahayag ng sinseridad na kooperasyon para sa patuloy na pagpapaigting ng mapayapang komunidad sa lalawigan.

Buong suporta rin ang pinakita ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Vice Governor Anacleto “Third” Alcala kasama ang 39 municipal Mayors at dalawang punong lungsod ng lalawigan sa kanilang pakikiisa sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa kanilang mga nasasakupan.

Samantala, nagpasalamat ang Ina ng lalawigan ng Quezon sa miyembro ng Provincial Peace and Order Council, gaya ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang katuwang upang maging posible ang pagiging mapayapang lugar tungo sa kaunlaran lalong lalo na sa ating lalawigan.

“Magkaisa po tayo, Quezon ang pinakamahirap na lalawigan sa ating rehiyon. Pero sa araw na ito, uusad tayo at susulong,” pahayag ng Gobernadora sa kanyang pangwakas na mensahe.

431

Related posts

Leave a Comment