RADIO PROGRAM NI ‘BOY UMBAG’, ‘DI PATOK

SI Ces Drilon ang isa sa mga broadcaster na nawalan ng magandang trabaho nang hindi na bigyan ng Kamara de Representantes ng bagong 25-taong prangkisa ang ABS – CBN Corporation noong 2020.

Mahal ni Ces ang pagiging broadcaster, kaya nagpatuloy siya.

Nagkaroon ng panibagong raket si Ces kung saan kasama niya si Ang Probinsiyano party-list Rep. Alfred delos Santos.

Pokaragat na ‘yan!

Kilala ng ­napakaraming tao si Ces dahil sikat na broadcaster ito.

Ngunit, hindi natin kilala si Delos Santos kahit mambabatas ang taong ito dahil hindi naman kasing sipag ito ng ilang masisipag na mga kongresista.

Kahit kinatawan si Delos Santos ng mga residente ng mga lalawigan, hindi siya kilala ng mga kamag-anak kong nakatira sa Eastern Samar, Leyte, Cebu, Batangas, Antipolo City at Pangasinan dahil kahit kailan ay hindi nagpamalas ng malasakit ang nasabing kongresista sa mga probinsiyano.

Pokaragat na ‘yan!

Para sa inyong kaalaman, si Delos Santos ay residente ng Albay.

Unang lumabas ang kanyang pangalan sa media ilang linggo, o higit isang buwan, yata iyon bago siya manilbihan bilang kongresista noong 2019 dahil mayroon siyang inombag na waiter sa isang restoran.

Nagviral ang video ukol sa umbagang naganap.

Dahil diyan, nabansagan siya ng ilan na “Boy Umbag”.

Ang taong ito ang katambal ni Ces Drilon sa isang talk show sa radyo.

Ang daming puwedeng makapartner si Ces, kaya ‘di ko maintindihan kung bakit pumayag siyang maging katambal si Delos Santos.

Napakarami namang mga matitino at magagaling na broadcaster na puwede sanang kaparehas si Ces – si Boy pa!

Kapag tipahin mo ang pangalan niya sa Google, makikita agad ang mga ­video at news articles tungkol sa kanyang pang-uumbag sa waiter dahil lango umano ito sa alak.

Katunayan, kinuyog ng bashers si Ces Drilon sa kanyang Instagram account matapos niyang ianunsiyo ang kanilang programang “Basta Promdi Lodi” kasama si alyas Boy Umbag.

“Marami pang ibang interview po. There [is] no-thing good that congressman brings anywhere. Pro tip po!! Haha,” komentaryo ng isang Genevieve Caparas.

“Talaga bang co-cost mo ‘yan? Ha…ha…ha…, you can get more way way ­credible people. You have more time po!”, banggit naman ni tifftoneysoriano.

Sabi naman ni iamkinsleyboucher: “Nice comeback @cesdrilon BUT THAT GUY?? Will affect your reputation and good public cha-racter. Beware po”.

Posibleng isang blocktime program ang kanilang talk show, o binayaran ang istasyon upang magkaroon ng time slot sa radyo.

Sa tingin ko, walang “K” itong si Delos Santos para maging host sa isang programa sa radyo.

Bubulol-bulol nga kung nagsasalita ang mamang ito at ang babaw kung mag-isip.

Pokaragat na ‘yan!

Ang tanong: “Kaninong pera galing ang ipinambabayad para sa blocktime?”

Malabung-malabo naman sigurong magkaroon ito ng mga advertisement, ­maliban na lamang kung nambraso ng mga negosyante.

Siya nga pala, ano ba ang nangyari sa ethics case na isinampa laban sa kanya sa Kamara de Representantes?

Bakit hindi siya napatawan ng kahit anong parusa?

Tapos, itinalaga pang deputy majority leader si Delos Santos.

Totoo ba ito?!

Pokaragat na ‘yan!

Ang nakakaawa ay si Ces Drilon dahil tiyak na masisira ang kanyang kredibilidad dahil tila nagpagamit siya kay Boy Umbag.

Sayang naman dahil magaling na mamamahayag si Ces.

oOo

CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911

150

Related posts

Leave a Comment