SUNOD-SUNOD ang mga sumbong at reklamo ng mga OFW dahil sa pahirap na kanilang dinaranas mula sa kamay ng isang kinikilalang Mama Ghala sa Saudi Arabia.
Ang tinutukoy na Mama Ghala ay isang Arabyana na walang pag-aaring ahensya. Diumano ay nagsisimula ang kanilang kalbaryo matapos na sila ay isoli ng kanilang employer sa kanilang ahensya.
Kabilang sa mga isinusumbong na ahensya sa Saudi Arabia ang Tah Al Sultan Recruitment Office na may counterpart agency sa Pilipinas na Goodman International, Waq Al Sura Recruitment Office na counterpart ng PJV Human Resources at Lahdah Shoruoq Recrutment na counterpart ng Excell Manpower Agency.
Ayon sa salaysay ng ilang mga biktima, matapos na sila ay isoli ng kanilang employer sa kanilang ahensya sa Saudi Arabia, ay ipinapasa sila ng kanilang mga ahensya kay Mama Ghala.
Noong umpisa ay inaakala nila na si Mama Ghala na ang kanilang magiging bagong employer, pero matapos na kanilang makita at maka-usap ang iba pang mga Pinay na nauna na sa kanila sa loob ng tahahan ni Mama Ghala ay saka lamang nila napapagtanto na sila pala ay mga biktima na ng Human trafficking na pinapatakbo ni Mama Ghala.
Makalipas lamang ng ilang araw matapos na sila ay makarating sa bahay ni Mama Ghala ay agad na inililipat sila sa mga bagong employer at doon na nagsisimula ang kani-kanilang mga problema at kalbaryo.
Isa sa mga kwentong ipinadala ay ang biktima na itatago ko sa pangalan na “OFW Marivic”.
Ayon sa kanyang ipinadalang salaysay ay “Nagpaalam ako sa aking employer para makauwi na ako sa Pilipinas dahil na-stroke ang aking asawa. Ayaw akong payagan ng aking employer kung kaya talagang halos araw-araw ay nakiusap ako sa kanya, kaya bandang huli ay nagsabi sya sa akin na ihahatid na ako sa airport ng Riyadh, Saudi Arabia.
Subalit huli na ng aking malaman na ang eroplano pala na aking sinakyan ay hanggang Jeddah, Saudi Arabia lamang at doon ay sinundo ako ng isang tauhan ng aking ahensya.
Imbes na sa opisina ng aking ahensya ako dalhin ay deretso akong dinala sa bahay ni Mama Ghala na doon ko lamang unang nakita at nakilala.
Unang sinabi sa akin ng tauhan ng aming ahensya ay pansamantala lang ako na titira sa bahay ni Mama Ghala habang hinihintay ko ang ticket ko pauwi ng Pilipinas, pero ang katotohanan pala ay ibinenta nila ako kay Mama Ghala at matapos ang ilang araw ay dinala na ako sa bago kong employer at pinagtrabaho ako bilang caregiver kahit na wala naman talaga akong kaalaman sa pagaalaga ng may karamdaman.” pagtatapos ni OFW Marivic.
Sa pinakahuling tawag na aking natangap mula sa isang OFW na nasa tahanan ni Mama Ghala ay may 5 pang Pinay ang sa kasalukuyang nasa tahanan ni Mama Ghala at tinukoy rin nito ang kakutsaba rin ni Mama Ghala na isang Pinay na pinangalanan na Jasmin na diumano ay labas-masok sa loob ng POLO-OWWA.
Abangan sa Biyernes ang karugtong na kwento at sumbong sa raket ni Mama Ghala at Jasmin.
174
