MASBATE – Nadakip ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang isang lalaki na matagal nang wanted sa kasong panggagahasa sa Caloocan City, sa kanyang pinagtataguang lugar sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) ng NPD na nagtatago umano sa kanilang lugar sa Mobo, Masbate ang 25-anyos na tricycle driver na nakatala bilang no.7 most wanted person sa NPD.
Sa koordinasyon sa iba pang mga unit, ikinasa ng mga tauhan ng DSOU-NPD ang joint operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-3 ng hapon sa Purok 1, Barangay Ibingay, Masbate City.
Ang akusado ay inaresto ng mga tauhan ng DSOU sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 131, noong Disyembre 6, 2021, para sa kasong rape.
Ayon kay NPD Public Information Office chief, P/Capt. Marcelina Pino, walang inirekomendang piyansa ang korte para sa nasabing kaso ng akusado.
(MARDE INFANTE)
