‘RAPE VICTIM’ NANGALAMPAG NG HUSTISYA AT PATAS NA PAGTRATO

DUMULOG sa Citizens Crime Watch ang 16-anyos na babaeng biktima umano ng panggagahasa dahil sa hinalang “cover-up” sa loob mismo ng Department of Justice kaugnay ng preliminary investigation sa kanyang kaso.

Sa sulat-kamay na ipinadala kay CCW president na si Diego Magpantay, ibinahagi ni “Grace,” na ngayo’y 21-anyos na, ang umano’y nararanasang diskriminasyon sa pag-usad ng kanyang reklamo.

Itinuro ng biktima ang respondent na si Julie Patidongan alyas “Dondon,” na isa aniyang “kilalang indibidwal” at state witness sa high-profile case na prayoridad ng gobyerno. Dahil dito, hinala ng biktima na may espesyal na pagtrato ang suspek.

Ayon pa kay Grace, tila hindi umano pinahahalagahan ang kanyang reklamo dahil sa impluwensiya ng akusado.

Mas lalong uminit ang isyu nang igiit ng abogado ng biktima na si Atty. Glessa Janolino na may mga aksyon umano ang kampo ng suspek at maging ang mga piskal na nagpapakita ng pagkiling sa kaso.

“Hindi nagbibigay ng kumpiyansa na patas ang pagtrato sa kaso. Paulit-ulit naming nararamdaman na tila protektado si Mr. Patidongan sa DOJ,” ani Janolino.

Dagdag pa ng abogado, pakiramdam ng kanyang kliyente ay muli itong “binibiktima” ng sistema.

Sa gitna ng kontrobersiya, tiniyak naman ni Atty. Ferdinand Topacio na hindi pababayaan ng CCW ang biktima.

“Buong-buo ang suporta namin sa kanya, legal, moral, at kahit personal counseling kung kinakailangan,” ani Topacio.

Nananawagan ngayon ang biktima ng patas at transparent na imbestigasyon, iginiit na walang sinoman, kilala man o makapangyarihan, ang dapat manaig sa hustisya. (BP)

7

Related posts

Leave a Comment