OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
MULING napatunayan na matatalino talaga ang mamamayang Pilipino.
Dahil alam nila ang pagkakaiba sa mga tunay na naghahatid ng mga makatotohanang mga balita at iyong mga nagpapalaganap lamang ng kasinungalingan at mapanirang lathalain na nagsusulong ng kanilang mga sariling political agenda.
Ito ay sa kabila ng patuloy na pangungutya ng mga pa-intelektwal tulad ng mga kampon ng pinklawan na bobo raw ang mga mayorya ng mga Pilipino, lalo na iyong mga sumuporta sa kandidatura ni incoming President ‘Bongbong’ Marcos noong nakaraang halalan.
Pero nasoplak na naman ang mga mayayabang na pa-intelektwal dahil ang ipinagyayabang nila na Rappler na para sa kanila ay siyang binabasa ng mga “matitino” ay isinusuka pala ng mas maraming mga Pinoy.
Sa isang survey kasi na isinagawa ng Reuters Institute for the Study of Journalism kamakailan tungkol sa mga pinagkakatiwalaang media organization, ay lumabas na ang Rappler ang pinakahindi pinagkakatiwalaang news outfit sa bansa.
Lumalabas sa resulta ng survey na nakakuha ang Rappler ng distrust score na 32 porsyento na pinakamataas kung ikukumpara sa nakuhang numero ng ibang media outfit na isinama sa research.
Kabaliktaran ang Rappler ng mga local newspaper na nakakuha ng pinakamababang distrust score na 9 percent, na sinundan ng ilang kilalang media organization tulad ng GMA Network, DZBB,
TeleRadyo, DZRH, Radyo Pilipinas, TV5 at Manila Bulletin, na pawang nagtala lamang ng distrust score na 10 percent.
Kung pag-uusapan naman ay ang mga pinagkakatiwalaan, lumalabas na Rappler din ang pinakakulelat dahil nakakuha lamang ito ng ng trust score na 46 percent kumpara sa ibang news network
gaya ng GMA na nakakuha ng 70 percent trust rating, na sinundan ng Manila Bulletin na may 66 percent.
Maging ang PDI na kilala rin sa pagiging bias at pa-intelektwal ay tinalo rin ang Rappler dahil kahit paano ay nakakuha ito ng trust score na 65 percent.
Kung ako si Maria Ressa na founder ng Rappler ay ituturing ko na isang malakas na sampal sa aking mukha at kredibilidad ang resulta ng mga survey na ito.
Isipin na lang na kamakailan ay nanalo pa siya ng Nobel Peace Prize sa journalism pero lumalabas na hindi naman pala siya tanggap at hindi pinaniniwalaan ng mga tao.
At siyempre ibig sabihin nito ay hindi rin bilib ang mga Pinoy sa mga pinaggagawa ng Rappler, kaya dapat siguro ay sibakin na ni Maria Ressa ang mga tao niya o ‘di kaya naman ay isara na lang nila ito nang tuluyan.
Sa larangan kasi ng pagbabalita ay ang kredibilidad at katotohanan ang ibinebenta ng mga publisher at kung wala ka nito ay walang dahilan para manatili pa sa propesyong ito.
Dati na ngang pinagdududahan at kinukuwestiyon ang pagkakapili sa kanya bilang Nobel Peace Prize winner at dahil sa resulta ng survey ay lalo pang lumakas ang duda sa pagkapanalo niya.
Kung ako kay Maria Ressa ay malalim kung pag-iisipan ito at baka naman kasi panahon na para lumayas na sila rito sa Pilipinas sapagkat maliwanag na walang tiwala sa kanya at sa Rappler ang mga tao.
