Regionwide police ops ikinasa ng tropa ni Estomo PULIS, 5 PA NAPATAY SA LUZON

ISANG pulis at limang iba pang kalalakihan ang napatay sa magkakahiwalay na police operation sa iba’t ibang lugar sa Luzon.

Ayon kay PNP-Police Regional Office 5 Director, P/Brig. General Jonnel C. Estomo, isang regionwide simultaneous entrapment at law enforcement operation ang kanilang inilunsad,

Sa Daraga, Albay, napatay ang isang aktibong pulis na sangkot umano sa ilegal na pagbebenta ng mga baril.

Nagkasa ng entrapment operation laban kay P/Cpl. Joel Tualla ng Polangui Municipal Police, ang mga tauhan ni Gen. Estomo kasama ang PNP-IMEG Southern Luzon, Daraga MPS at PIU Albay PPO bandang alas-11:05 ng umaga noong Sabado sa Purok 4, Brgy. Bañag, Daraga, Albay.

Ngunit nang maramdaman ng suspek na may mga kapwa pulis na sa paligid, nagpaputok ito ng baril at nahagip ng bala si P/Lt. Nestor D. Callos na mapalad na nakasuot ng bullet proof vest.

Nakuha sa napatay na suspek ang iba’t ibang baril at bala, kabilang ang kanyang service firearm

Ayon kay P/BGen. Estomo, nakatanggap sila ng impormasyon kung nasaan ang top 2 most wanted person ng Camarines Sur na si Alexis Delos Santos at isa pang suspek na si Ricardo Francisco.

Parehong idineklarang “armed and dangerous” ang dalawa dahil sa pagkasangkot umano sa kasong rape at murder.

Pinuntahan ng mga pulis ang kinaroroonan ng mga suspek sa Brgy. Buyo sa bayan ng Tinambac noong Sabado. Pero habang papalapit sila, pinaputukan umano sila ng mga suspek na nauwi sa engkwentro.

Napatay si Delos Santos habang nakatakas si Francisco na ngayo’y pinaghahanap na.

Isang barangay kagawad naman ang napaslang sa inilunsad na police raid sa Camarines Sur.

Samantala, sa Cabanatuan, Nueva Ecija, tatlong drug suspect ang napatay sa engkwentro sa mga pulis noong Biyernes.

Ayon kay P/BGen. Valeriano De Leon, Regional Director ng Central Luzon Police, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis. Ngunit matapos ang bentahan ng droga, nagkaroon ng engkwentro na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.

Nakuha sa tatlong suspek ang iba’t ibang baril, granada at hinihinalang ilegal na droga na tinatayang mahigit P100,000 ang halaga (JESSE KABEL)

196

Related posts

Leave a Comment