PINAALALAHANAN ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko na ang “Register Anywhere Project” (RAP), na ilulunsad sa susunod na linggo ay limitado lamang sa bagong botante at transfer of registration registrants.
Ayon sa Resolution Number 10869, ipinaliwanag ng Commission en banc na ang mga aplikasyon na ito ay tatanggapin sa RAP booths sa limang malls sa Metro Manila.
“The Commission shall initially implement the RAP by conducting pilot testing, where only applications for New Registration and Transfer from Another City/District/Municipality shall be accepted.”
Sa ilalim ng proyekto, maaari nang magparehistro ang mga kwalipikadong aplikante na naninirahan sa bansa sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang application form, documentary requirements at ang kanilang biometrics ay kukunin on-site.
Pagkatapos nito, ang mga isinumiteng dokumento at nakuhang biometrics data ay ieendorso at ipadadala sa opisina ng Election Officer ng distrito/lungsod/munisipyo na may hurisdiksyon sa tirahan ng aplikante.
Isasagawa ang pilot test ng RAP tuwing Sabado at Linggo mula Dec. 17, 2022 hanggang Jan. 22, 2023 sa mga venue na kinabibilangan ng SM Fairview (Quezon City), SM Mall of Asia (Pasay City), SM Southmall (Las Piñas City), Robinsons Place (Manila) at Robinsons Galleria sa Quezon City.
Walang registration sa Dec. 24, 25, at 31, 2022, at Jan. 1, 2023.
Bumuo ang poll body ng limang RAP teams sa National Capital Region (NCR). (RENE CRISOSTOMO)
209
