PINUNA ng mambabasa ng Puna ang sobrang luwag ng social media sa ‘Pinas. Kaya naman puro fake news ang lumalabas.
Sinasakyan naman ito ng mga tao na may personal agenda. Tulad ng isyu sa kikiam na ipinakain daw sa mga kasali sa SEA Games.
Hindi naman pala kikiam ‘yun, sa halip ay manok pala.
Itinaon pa ang paglabas ng mga isyung negatibo laban sa sarili nating bansa ay ang pagtitipon ng iba’t ibang mga bansa na nagmula pa sa Southeast Asia kasama sa naturang okasyon.
Tanong tuloy ng mga mambabasa ng Puna, nakatulong ba sa Inang Bayan ang negatibong isyu sa gobyerno ng ‘Pinas?
Pati ibang bansa naka-Puna sa banat sa sarili nating bansa sa pamamagitan ng social media.
Ang opinion po ng Puna, panahon na para maipasa na maging batas na ang lahat ng may-ari ng SIM (subscriber identification module) card sa cellphone ay nakarehistro ang pangalan sa gobyerno. Ito ay para lahat ng kalokohan na gagawin ay malalaman.
Hindi po basta ang gumawa ng Facebook account o iba pang social media account kung walang isusumiteng cellphone number.
Kaya ‘yung mahilig gumawa ng fake news ay magiging madali nang matimbog dahil sa paggamit ng SIM card na nakarehistro sa gobyerno.
Maiiwasan na ang mahilig manira ng tao gamit ang kanyang socia media account.
Sa ngayon, dahil hindi pa naman naisasabatas ang pagrehistro ng SIM card ay patuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga gumagawa ng pekeng balita.
Hindi pa kasi matutukoy kung sino ang nagmamay-ari ng SIM card ng gumagawa ng fake news.
Sabi ko nga sa nauna kong kolum, panahon na para mag-level up na ang batas na ipasa ng mga kongresista at senador.
High-tech na po ang mundo at kasama ang ‘Pinas. Sa ayaw at sa gusto nila ay kailangan nilang gumawa ng mga batas na naaangkop sa mabilis na pag-angat ng teknolohiya sa buong mundo.
Marami ring pekeng produkto o hindi man ay mahinang klaseng gamit ang nasa social media account nila para makabenta.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, maaari po kayo mag-email sa joel2amongo@yahoo.com / operarioj45@gmail.com (Puna / JOEL O. AMONGO)
171