TILA paninira at pagtatangkang ilihis ang isyu ang nakikitang motibo ng kampo ni Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro sa isinampang kasong acts of lasciviousness ng dalawang babaeng pulis laban sa kanya.
Giit ng kongresista, sunod-sunod ang mga “walang basehang” akusasyon matapos niyang isiwalat ang double funding sa mga proyekto ng DPWH sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program.
Kabilang dito ang testimonya ng mag-asawang kontrobersyal na kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya, na nagsabing binigyan nila ng pera si Teodoro. Lumabas ang alegasyon sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ng kapatid ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo, si Rodolfo Noel Quimbo.
Hinala ng kampo ni Teodoro, may kamay ang mga Quimbo sa pagsama ng kanyang pangalan sa affidavit ng mga Discaya. Lalo’t natalo si Stella Quimbo—asawa ni Miro—kay Maan Teodoro bilang mayor ng Marikina noong 2025, habang tinalo rin ni Marcy si dating Senador Koko Pimentel, kaalyado ng Quimbo.
“Malinaw na may malaking kampanya para sirain si Cong. Marcy—para pahinain siya bago pa man ang susunod na halalan, at sabay takpan ang papel ni Stella Quimbo sa kontrobersyal na 2025 national budget,” ayon sa kampo ng kongresista.
Si Stella ang nasa likod ng pagbalangkas ng 2025 budget bilang Vice Chair ng House Committee on Appropriations at kalaunan ay humalili bilang chair matapos magbitiw si Rep. Zaldy Co.
Ayon pa kay Navotas Rep. Toby Tiangco, miyembro rin si Stella ng small committee na tumanggap ng mga “insertions” mula sa iba’t ibang mambabatas.
“Two birds in one stone—sirain si Marcy at iligtas si Stella,” giit ng kampo ng mambabatas.
