ANG dapat sana’y isang mapayapang bungad ng halalan, agad na nabahiran ng duda bunsod ng mga ulat ng aberya sa mga lalawigang kilalang balwarte ng nangungunang presidential bet na si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Bukod sa kabi-kabilang dulog kaugnay ng mga depektibong vote-counting machines (VCM), may mga ulat hinggil sa umano’y “milagro” sa transmission ng mga datos – ang botong para kay Marcos na pambato ng UniTeam, rumehistro umano kay Vice President Leni Robredo.
Kabilang sa mga lugar na di umano’y may mga iregularidad ang Narvacan, Sta. Cruz at Burgos sa lalawigan ng Ilocos Sur at maging sa Tabuk City sa probinsya ng Kalinga.
Batay sa mga sumbong ng mga rehistradong botante sa mga naturang lugar, napunta kay Robredo ang kanilang boto para kay Marcos.
Isa sa mga nagreklamo ang 50-anyos na si Raymar Racacho, residente at rehistradong botante mula sa Barangay Quinarayan, sa lungsod ng Narvacan. Aniya, si Marcos ang kanyang ibinoto sa balotang tinanggap mula sa local election officer sa polling precinct nila.
Laking gulat niya umano nang lumabas sa printed copy mula sa vote-counting machine na napunta kay Robredo ang kanyang boto para sa kapwa Ilokanong si Marcos.
Dito na umano siya nagpasyang dumulog sa Board of Election Inspector (BEI) bago pa man maghain ng pormal na reklamo.
Gayundin ang sumbong nina Joseph Pullis at Benny Pa-ut ng Baranbay Lacnog-East, Tabuk City sa lalawigan ng Kalinga. Anila, si Marcos ang kanilang inihalal na Pangulo subalit kay Robredo umano rumehistro ang kanilang boto batay na rin sa printed receipt na ibinigay sa kanila ng mga nangangasiwang election officers.
Matapos makatanggap ng mga ulat ng iregularidad, pinayuhan naman ng dating senador ang kanyang mga tagasuporta na maging alerto laban sa panibagong tangkang busalan ang tinig ng mga botanteng Pilipino.
Aniya, mas makabubuting agad na idulog ang kanilang reklamo sa kinauukulang ahensya – partikular sa Comelec na may mandatong tiyakin ang isang malinis, tapat, maayos at mapayapang halalan.
“We are taking note of these complaints but we are confident that the Comelec is ready for any eventualities especially against attempts by some groups to subvert the genuine outcome of this all-important and history-making political exercise,” saad naman ni Atty. Vic Rodriguez na tumatayong tagapagsalita at chief of staff ni Marcos.
Sa datos na nakalap ng kampo ni Marcos, umabot na sa 1,867 VCMs na gamit sa automated election ang sinasabing may depekto.
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)