Rekomendasyon ng ICI kulang-kulang MALAPIT SA PALASYO ‘SAFE’ SA KASO?

KULANG ang listahan na inirekomenda ng Independent Commission of Infrastructure (ICI) para kasuhan sa pagkakasangkot sa malawakang anomalya sa flood control projects dahil wala ang mga kilalang malapit sa Malacañang.

Reklamo ito ng Makabayan bloc sa Kamara dahil tanging sina Sens. Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, Zaldy Co, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo, Commission on Audit (COA) Mario Gonzales Lipana at dating Caloocan City Rep. Mitch Cajayon-Uy inirekomenda ng ICI na kasuhan sa Office of the Ombudsman.

Sinabi ni Kabataan party-list Rep. Renee Co na nawawala ang mga personalidad na may ugnayan sa Malacanang na kanilang inirekomendang kasuhan.

Hindi na nagbanggit ng pangalan si Co kung sino ang kanyang pinatutungkulan ngunit matatandaan na kabilang ang pangalan ni dating House Speaker Martin Romualdez sa mga nabanggit sa nasabing anomalya.

“The fight for accountability cannot end with a handful of names. Sa dami ng ebidensya, marami pang dapat papanagutin—lalo na ang mga mas mataas na opisyal, mga padrino, at tunay na mastermind ng sistematikong korupsyon sa flood control. This action is too little, too late,” ayon naman kay ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio.

Habang para kay Gabriela party-list Rep. Sarah Elago, hindi makakamit ang tunay na hustisya kung ang mga nabanggit lamang ang kakasuhan at mapanagot sa malawakang anomalya lalo na’t alam ng mga tao na may mas matataas pa sa kanila na sangkot sa anomalya.

“We welcome any movement towards justice, but this is not enough. Kulang na kulang pa ito kumpara sa lawak at lalim ng anomalya. Hindi sapat na may mga pangalan lang sa listahan;

kailangang tiyakin na may tunay na imbestigasyon, mabilis na paglilitis, at aktwal na pagbawi ng nakaw na yaman,” ayon pa kay Elago.

Dahil dito, lalo umanong palalawakin ang kilos protesta na gaganapin sa Rizal Day o sa November 30 para igiit na parusahan ang lahat ng sangkot sa anomalya at bawiin ang ninakaw na yaman ng mga ito.

Sa interim report ng ICI na ibinahagi kahapon ni ICI Chairperson retired Supreme Court (SC) associate justice Andres Reyes Jr., tinukoy niya sina Villanueva, Estrada, Co, at iba pa na sangkot sa mga nasabing kaso.

“These persons has possibly committed direct or indirect bribery and corruption of public officials under Articles 210, 211, and 212 of the Revised Penal Code, corruption of officers under section 3B and 3E of Republic Act 3019, plunder as defined and penalized under section 2 of Republic Act 7080,” ani Reyes.

Tiniyak din niya na wala silang sisinuhin kaugnay sa paglaban kontra korupsyon kahit mga opisyal ng gobyerno.

“No one will be spared in this fight against corruption. Politicians and government officials will be investigated and charged by credible evidence. Those found responsible will face the consequences and be held accountable under the rule of law,” saad niya.

(BERNARD TAGUINOD)

20

Related posts

Leave a Comment