ISUSULONG ng AKO-OFW Party-list ang batas para kilalanin ang bagong sektor ng manggagawang Pilipino na tatawaging “Remote Filipino Workers o RFWs.
Sa kasalukuyan kasi ay dalawa lamang ang sektor ng OFW at kabilang dito ang land based at ang seabased.
Sa pagkilala sa ikatlong sektor na RFWs ay magkakaroon ng pagkakataon ang mga manggagawang Pilipino na kumita ng dolyar na hindi kinakailangan na lumabas ng bansa at lumayo sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng digital o remote works.
Ayon kay 1st nominee at AKO-OFW Chairman Dr. Chie Umandap, sa pag-upo ng AKO-OFW Party-list sa Kongreso ay isusulong nito ang pagpapalakas ng Remote Filipino workers kung saan magbibigay ito ng Digital Creative training at co-working space para sa mga nais magkaroon ng trabaho lalo na ang mga gustong mangibang bansa para kumita.
Sa pamamagitan kasi ng remote works ay makahahanap na ng employers ang mga Pinoy at maaaring kumita ng dolyar.
Binigyang-diin ni Umandap na ang remote works na ito ay mas makatutulong upang hindi na kailanganin pang maging OFW dahil kaya nang makapagtrabaho kahit narito lamang sa Pilipinas.
Bilang pagsuporta rito, maglalaan ang AKO-OFW Party-list ng pondo para sa pagpapatayo ng Digital Creative Hubs sa iba’t ibang probinsya ng Pilipinas.
