REP. TEVES: PAKINGGAN ANG TAUMBAYAN Sigaw ng Negros Oriental, Gov. Teves ‘wag pabayaan ng SC

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

ABALA ngayon ang pamilya ni Negros Oriental Gov. Henry Teves sa pagpapakalma sa mga nasasakupan nito habang naghihintay ng desisyon ng Korte Suprema ukol sa kaganapan ngayon sa probinsya na nag-ugat sa naunang desisyon ng Commission on Elections (Comelec).

Bilang isang kapatid, unang-una nang nakatutok at nakaalalay si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves, na isa sa kinikilalang ‘hari ng tulong’ sa bansa dahil sa programa nitong Teves Cares kung saan walang sawa siyang tumutulong sa mga nangangailangan.

“Alam ko na magkakaroon ng tamang proseso ang lahat para sa aking kapatid na si Gov. Henry. Kaya siguro ganun na lang ang kalungkutan na nararamdaman ng aming mga nasasakupan sa naging pasya ng Comelec. Ramdam sa Negros Oriental ang pagbabago sa unang araw pa lang na maupo ang aking kapatid,” pahayag ni Rep. Teves.

Matatandaan na nagsampa ng kaso ang natalong dating gobernador na si Roel Degamo laban sa isa pang tumakbong kandidato para rin sa gobernador na nagngangalang Ruel Degamo, na isang umanong aircon contractor sa Negros.

“Ang nakakataka lang ay silang dalawa ang nagkasuhan (dalawang Degamo), ngunit sa desisyon ng Comelec ay nadawit si Gov. Teves kahit ito ay hindi kasama sa nasabing kaso. At bigla na lang magkakadirektiba na i-bakante niya ang Kapitolyo dahil si Roel Degamo ang nanalo at binabawi na nila ang naging proklamasyon sa aking kapatid,” nagtatakang dagdag ng mambabatas.

Makaraan mapabalita ang pangyayari, nabalot na ng pag-aalala ang mamamayan ng Negros Oriental, dahil sa pangamba na maudlot ang kapuri-puri na sinimulan agad ni Gov. Teves nang ito ay maupo.

Kaya marami ang nagtungo sa kapitolyo upang ipakita ang suporta kung saang ang iba ay ninais na matulog sa labas ng kapitolyo at sama-samang magkasiyahan para suportahan ang gobernador na kanilang ibinoto.

Sa maiksing pahayag sa kanyang Facebook page, sinabi ni Gov. Teves, na siya ay nakahandang sumunod sa sandaling maidaan na sa tamang proseso lahat, na ayon dito ay kailangan ng court order ayon sa saligang batas, taliwas sa ginawa ng Comelec na nag-utos agad sa Department of Interior and Local Government na atasan ang gobernador na lisanin agad ang pwesto o kapitolyo.

Patuloy na hinihintay ang desisyon sa Korte Suprema at umaasa ang mga Negrosanon na magiging pabor ito kay Gov. Teves, na tanging pag-asa ng probinsya para guminhawa ayon sa supporters nito. Ilan sa mga ito ay nagpahayag na mananatili sa labas ng kapitolyo hanggang sa makamit ang tamang proseso para sa kanilang gobernador.

253

Related posts

Leave a Comment