REPORMA SA DPWH INILATAG NI PBBM

NAGLATAG si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes ng iba’t ibang reporma upang palakasin ang katapatan, integridad, at pananagutan sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa press conference sa Malacañang, binigyang-diin ng Pangulo na layunin ng mga repormang ito na maiwasang maulit ang mga isyu ng katiwalian sa mga proyekto ng imprastraktura at matiyak na ang pondo ng bayan ay nagagamit nang tama para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.

“Upang masigurong maisusulong ang katapatan, integridad, at pananagutan sa pamahalaan, nagsasagawa tayo ng mga reporma sa iba’t ibang sektor ng ating bansa,” pahayag ni Marcos.

Ipinahayag din ng Pangulo na kasalukuyang binubuo ang isang transparency portal na magbibigay sa publiko ng mas malawak na akses sa impormasyon hinggil sa mga proyekto ng pamahalaan — kabilang na ang mga detalye tungkol sa mga kontratista, lokasyon ng proyekto, at estado ng implementasyon.

“Ibig sabihin, babantayan natin nang husto every step of the way. Bawat hakbang sa prosesong ito ay babantayan natin nang mabuti para ‘pag may nakita tayong hindi tama o labag sa patakaran, makikita natin kaagad at hindi na natin hahayaan na lumipas ang dalawa o tatlong taon bago ito madiskubre,” ani ng Pangulo.

Ayon kay Marcos, ipatutupad ng kanyang administrasyon ang mga sistematikong reporma na nakatuon sa tatlong larangan — transparency, data security, at public involvement — upang mapalakas ang tiwala ng publiko sa pagpapatupad ng mga proyekto.

Kabilang dito ang mga pagbabago sa disenyo ng mga proyekto para mapahusay ang pagpaplano, mabawasan ang mga panganib, at matiyak na lahat ng proyekto ay nakabatay sa datos at maayos na pag-aaral.

Binanggit din ng Pangulo ang mga reporma sa bidding at proseso ng pagbili upang mapalakas ang kompetisyon, katapatan, at integridad habang binabantayan ang mga posibleng iregularidad sa bawat yugto ng proseso.

Pinaigting din ang reporma sa proseso ng pagbabayad upang matiyak na ang pondo ng gobyerno ay mailalabas lamang sa mga proyektong tapos, pumasa sa pamantayan, at tunay na naipatupad.

“Dahil marami tayong nakita na ‘completed’ at bayad na pero hindi mo naman mahanap ‘yung proyekto — ghost project o substandard. Kaya’t patitibayin natin ang proseso para matiyak na lahat ng kontrata ay maipatupad nang maayos at kapaki-pakinabang,” sabi ng Pangulo.

Ibinahagi rin ni Marcos na pinag-aaralan ng pamahalaan ang paggamit ng smart technologies at artificial intelligence (AI) upang mapahusay ang pagsubaybay at pagtukoy ng iregularidad sa mga kontrata at implementasyon ng mga proyekto.

“Yung isang smart technology na gagamitin natin, titingin sa proseso ng kontrata para kapag may nakitang hindi tama ay makikita natin kaagad. Maglilista ‘yan, babalikan natin, at iimbestigahan natin kung bakit ganyan ang nangyari,” paliwanag niya.

Dagdag pa ng Pangulo, gagamitin din ang mga teknolohiyang ito upang masuri ang kalidad ng konstruksiyon, matiyak na ang mga materyales ay akma sa tamang espesipikasyon, at ang mga proyekto ay matibay, ligtas, at epektibo.

(CHRISTIAN DALE)

47

Related posts

Leave a Comment