WALANG magaganap na reporma sa basic education sa gitna ng bagsak na kalidad ng edukasyon sa bansa dahil tinulugan ng Senado ang panukalang batas na amyendahan ang K-12 basic education program.
Sa isang panayam, sinabi ni House committee on basic education chairman Rep. Roman Romulo na ipinasa ng Kamara sa ikatlo at ang huling pagbasa noong Enero ang House Bill (HB) 11213 o “Education Pathways Act” subalit hindi naisalang sa bicameral conference committee dahil walang kahalintulad na panukala ang ipinasa ng Senado.
“Naipasa namin ang amin version noong January pero hindi nai-bicam dahil wala kaming nakitang version ng Senado,” ani Romulo kaya muli aniya itong inihain sa pag-asang magkaroon ng bersyon ang Senado upang maipatupad na ang reporma sa naturang programa.
Inamin ng mambabatas na pahirap ang K-12 program na unang ipinatupad noong 2012 kung saan, mula sa 10 basic education sa bansa ay ginawa itong 12 taon kaya nagkaroon ng 2 taon na senior high school.
Bukod dito, hindi aniya natupad ang ipinangako ng K-12 program na kapag nakatapos na ng senior high school ang mga estudyante ay maaari na silang magkaroon ng trabaho. Ang huling 2 taon sa eskuwelahan ay dapat tinuturuan na ang mga estudyante kung paano maghanapbuhay.
Gayunpaman, sangkaterbang problema aniya na idinulot ng nasabing programa sa kalidad ng edukasyon sa bansa dahil sa kabila ng mahabang pag-aaral ay maraming kabataan ang hindi nakakabasa at nakakaintindi sa kanilang binabasa.
Hindi rin nakapakinabangan ng mga kabataan ang natutunan nilang hanapbuhay sa eskwelahan dahil hanggang National Certificate Level II lamang ang naibigay ng Department of Education (DepEd) tulad ng hairdressing.
Dahil dito, inamyendahan aniya ng Kamara ang Republic Act (RA) 10533 na nagtatag sa K-12 programa para ireporma ito kung saan kabilang sa mga isinulong na probisyon ay magkaroon ng tinatawag na “honor’s exam” ang mga Grade 10 o Junior High School graduate kung saan kapag naipasa nila ito ay malilibre na sila sa Senior High School at diretso na sila sa kolehiyo.
Kasama rin sa panukala na pagbabasa, pagpapaintindi sa binabasa ng mga estudyante ang tututukan ng mga guro sa elementarya.
(BERNARD TAGUINOD)
