TINATAYANG 100 doses ng bakuna kada araw ang gagamitin sa pilot run ng “Resbakuna sa mga Botika” sa Kalakhang Maynila.
Sinabi ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa na itataas ang alokasyon kung maraming tao ang maga-avail ng vaccination program.
“About 100 sa bawat site. Yun po muna ang doses of vaccines na ibibigay, 50 to 100,” ani Herbosa.
Ikinasa ang rollout ng COVID-19 vaccines sa pitong pharmacies sa Kalakhang Maynila, araw ng Huwebes at Biyernes para payagan silang magbakuna sa gitna ng COVID-19 surge sa bansa.
Ayon kay Herbosa, tanging apat na pharmacies ang nagbukas kahapon (Huwebes) habang tatlong pharmacies ngayon.
Tanging booster shots ang ibibigay sa weeklong pilot run.
Ang mga unang pharmacies at clinics na lumahok sa nasabing inisyatiba ay ang: Mercury Drug sa Pres. Quirino Avenue, Malate, Manila; Southstar Drug sa Marikina;
Watsons sa SM Supercenter Pasig; Generika Drugstore in Signal 1, Taguig; The Generics Pharmacy in Edison St. Sun Valley, Parañaque; QualiMed Clinic in McKinley Road, Makati at Healthway sa Manila.
Ayon sa NTF, ang lahat ng indibidwal na may edad 18 pataas maliban sa senior citizens at indibidwal na may comorbidities, ay maaaring makakuha na ng kanilang COVID-19 vaccine sa pamamagitan ng programa.
Sa kabilang dako, sinabi naman ni Deputy Chief Implementer Vince Dizon na pinapayagan ang walk-ins subalit kailangan pa rin ng mga itong magrehistro sa online.
“Ang aming plano ay araw-araw po once na magsimula ang isang botika ay tuloy-tuloy na yan. Araw-araw at tuloy-tuloy ang pag supply ng gobyerno,” ayon kay Dizon.
Pinaalalahanan din nito ang publiko na dalhin ang kanilang vaccination cards at maging ang kanilang valid government IDs.
“To avail a booster, dadalhin lang nila yung kanilang vaccination card na nagpapakita na bakunado na sila ng dalawang beses,” anito.
“As of January 16,” sinabi ng NTF na may kabuuang 55,195,486 Pilipino ang fully vaccinated na laban COVID-19. (CHRISTIAN DALE)
