RESO NG PAKIKIRAMAY SA PAMILYA ACOP PINAGTIBAY SA KAMARA

BINIGYAN ng ilang minutong katahimikan at paggalang ang yumaong Antipolo 2nd District Congressman Romeo Acop sa sesyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kahapon.

Kasabay nito, pinagtibay ng Kamara ang House Resolution (HR) No. 601 na inakda nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, House Majority Leader Sandro Marcos, at House Minority Leader Marcelino Libanan upang ipahayag ang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng namayapang mambabatas.

“The passing of Honorable Romeo M. Acop is a great loss not only to his family, friends, colleagues, and the communities he served, but also to the Filipino people and to the country that benefited from his faithful and dedicated service,” bahagi ng resolusyon.

Mula nang mahalal bilang kongresista noong 2010, hindi na umano mabilang ang mga batas na inakda at inisponsoran ni Acop. Kabilang dito ang Republic Act (RA) No. 11200 o “An Act Providing for the Rank Classification in the Philippine National Police,” RA No. 11961 o “An Act Strengthening the Conservation and Protection of Philippine Cultural Heritage Through Cultural Mapping and an Enhanced Cultural Heritage Education Program,” at RA No. 10913 o “Anti-Distracted Driving Act.”

Kinilala rin ang mahalagang papel ni Acop sa mga imbestigasyon ng Kongreso sa iba’t ibang isyu bilang Senior Vice Chairperson ng House Quad Committee, Vice Chairperson ng Committees on Good Government and Public Accountability at Public Order and Safety, Chairman ng Committee on Transportation, at aktibong miyembro ng Committees on Justice, Veterans Affairs and Welfare, at ng Commission on Appointments (CA).

Samantala, nagpasalamat naman ang mga anak ni Acop sa lahat ng nakikiramay sa pagpanaw ng kanilang ama, na ayon sa kanila ay pumanaw dahil sa atake sa puso.

“We thank each and every one who has reached out to our family. Mula sa mga panalangin, sa mga mensahe ng pighati at pakikiramay, sa pagbabalik-tanaw sa mga pagkakataong nakasama ninyo ang aming ama, hanggang sa pagbibigay-suporta sa panahong ito ng aming pangungulila—tinatanggap po naming taos-puso ang mga ito,” ayon sa pahayag ng mga anak niyang sina Philip, Reena, at Karla.

Noong 2021 ay pumanaw din ang asawa ni Acop na si dating Congresswoman Resurreccion Acop.

“As we grieve this immense loss, we also choose to honor and celebrate the life of our Daddy Romy—a soldier, a police officer, a lawyer, a congressman, a true patriot, and a statesman. More than all these titles, he was a loyal friend, a devoted father, and a loving lolo whose presence and guidance shaped our lives,” dagdag pa ng mga anak ng yumaong mambabatas.

Dahil dito, inilaan ang araw kahapon, Disyembre 22, para sa pribadong pagdadalamhati ng pamilya. Bubuksan naman sa publiko ang lamay ngayong Disyembre 23 hanggang Disyembre 26 sa Haven of Angels sa Antipolo City.

(BERNARD TAGUINOD)

106

Related posts

Leave a Comment