IPINASARA ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang isang resort sa kanyang nasasakupan nang mabuking na patuloy ang operasyon nito kahit nakataas pa rin ang modified enhanced community quarantine (MECQ).
Agad ding pinakakasuhan ni Malapitan ang pamunuan ng Gubat sa Ciudad, pinuno ng Barangay 171 at lahat ng mga pumunta para mag-swimming sa nasabing resort noong Linggo, Mayo 9.
“Buong pwersa ng batas ang ipapataw sa mga may-ari at operator ng resort kasama na ang mga nag-swimming at ang mga pinuno ng barangay na tila nagpabaya sa kanilang tungkulin,” ayon sa alkalde.
Binitiwan ng punong lungsod ang nasabing kataga nang makumpirma na nagbukas at hindi sumunod sa mga alituntunin ng Inter-Agency Task Force (IATF) at health protocols ang nasabing resort.
Nagbigay rin ng direktiba si Malapitan na kaagad kanselahin ang business permit ng Gubat sa Ciudad at magsagawa ng malawakang imbestigasyon kung paano at bakit ito nangyari upang sa gayon ay hindi na ito maulit.
Nag-utos din si Malapitan ng malawakang contact tracing, close monitoring at angkop at tamang oras ng RT-PCR swab testing sa lahat ng mga indibidwal na nasa loob ng nasabing resort sa nasabing araw.
Pinakamaraming confirmed COVID cases, casualties at active cases ang Caloocan City sa buong CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area. (ALAIN AJERO)
