INIHAYAG ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na mananatili ang ilang panuntunan at pagbabawal sa lungsod kahit na alisin na ng pamahalaan ang modified enhanced community
quarantine (MECQ) sa Metro Manila.
Ayon sa punong-lungsod, ilan sa mananatiling guidelines ang pagdadala ng quarantine passes ng informal workers at mga papayagang mamili ng mga kinakailangan para malimitahan ang paggalaw ng mga mamamayan.
“Sa pamamagitan po nito, malilimitahan natin ang galaw ng mga tao at matitiyak nating hindi sila malalantad sa panganib na dala ng nakamamatay na virus, lalo na sa mga lugar na pinupuntahan
ng mga tao tulad ng palengke,” aniya.
Sinabi pa ng alkalde, nag-isyu na ang pamahalaang lungsod, sa tulong ng mga opisyal ng barangay, ng quarantine pass kada isang tao bawat bahay, habang iisyuhan din ng passes ang informal
workers gaya ng vendors, construction workers, tricycle at pedicab drivers at iba pang naghahanapbuhay sa kalye para matiyak na walang lalabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan.
“Kahit na may quarantine passes, hindi pa rin nangangahulugan na kahit anong araw ay pwede silang magtungo sa palengke dahil naglagay na tayo ng schedule na ibabatay sa numero ng kanilang
passes,” anang alkade.
Nilinaw ni Malapitan na hindi nag-isyu ng quarantine pass ang pamahalaang lungsod sa “vulnerable persons” gaya ng mga buntis, senior citizens at mga wala pang 21 anyos.
Pansamantala namang ipawawalang-bisa ang quarantine pass ng mga mapapatunayang positibo sa COVID-19. (ALAIN AJERO)
166
