RAPIDO ni PATRICK TULFO
MARAMI ang nagulat sa resulta ng ginaganap pa ring bilangan sa midterm elections noong Lunes.
Dahil taliwas sa mga survey, ilang araw bago ang botohan, ay hindi tumugma ang mga ito sa lumalabas na resulta sa ngayon.
Hindi na nakapagtataka kung nangunguna sa bilangan ngayon si Sen. Bong Go, dahil ‘yan ang mga lumabas sa mga huling survey. Pero ang pag-angat ni Sen. Bato Dela Rosa sa ikatlong posisyon at ang ika-anim na pwesto ni Cong. Rodante Marcoleta ang ikinagulat ng mga eksperto dahil nasa baba ang mga ito sa mga kapareho ring survey.
Pero ang pangalawa at ikalimang posisyon na okupado ngayon ng mga nagbabalik na senador na sina Bam Aquino at Kiko Pangilinan ang talaga namang nakapukaw ng atensyon ng sambayanan, dahil mga miyembro ito ng pinklawan, na ilang beses nang natalo noong midterm elections sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte at noong 2022 presidential election.
Sa ating panayam kay Dr. Froilan Calilung, isang political analyst at professor sa University of Sto. Tomas, sinabi nito na maaaring ang mga bagong botante ang nagdala sa dalawa.
Idinagdag pa nito, nakinabang din ang mga ito sa bangayan na nangyayari sa pagitan ng administrasyong Marcos at ng kampo ni VP Sara Duterte.
Ang pagpasok ng limang kandidato ng Duterte camp kasama sina Sen. Imee Marcos at Cong. Camille Villar sa Top 12, ay isa lang senyales na malakas pa rin ang hatak ng mga Duterte sa mga botante. Kahit na kaliwa’t kanan ang mga isyung kinakaharap ng mga ito.
Lima rin naman ang pumasok sa mga kandidato ng administrasyon pero malayo ito sa inaasahan na walo, ayon sa mga survey.
