QUEZON – Patay ang isang retiradong pulis matapos na barilin ng inaawat niyang nagwawalang lasing sa Brgy. Amot, sa bayan ng Burdeos sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.
Isang tama ng bala sa kaliwang dibdib ang ikinamatay ng biktimang si Orlando Bantucan, 66-anyos, residente ng Barangay Poblacion.
Batay sa report ng Burdeos Police, inaawat ng biktima ang lasing na si alyas “Arcel Metong” habang tinututukan ng baril ang kaaway nito na si Jonamay Vergenisa.
Subalit sa hindi malamang dahilan, ang retiradong pulis ang napagbalingan ng suspek at siyang binaril ng isang beses. Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.
Isinugod naman sa Rural Health Unit ng Burdeos ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.
Naaresto sa follow-up operation ng mga pulis ang suspek na nahaharap sa kasong homicide at illegal possession of firearms and ammunition. (NILOU DEL CARMEN)
